PINASALAMATAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa kanilang mabilis na pagtugon sa nangyaring pagguho ng mga bahay malapit sa isang creek sa Recto, Manila kamakalawa ng umaga.
Gayunpaman, inatasan pa rin ni Abalos ang BFP na manguna sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente upang malaman kung ano ang naging sanhi ng pagguho at magbigay ng kaukulang rekomendasyon sa pamahalaan kung paano maiiwasan ang parehong pangyayari.
“Saludo tayo sa lahat ng ating mga first responders na agarang tumulong sa ating mga kababayan sa nangyaring trahedya sa Recto, Manila. Dahil sa inyong mabilis na aksyon, agad nabigyan ng karampatang lunas ang mga biktima at naisalba ang mga na-trap na residente,” ani Abalos.
“Nagbigay na rin ako ng direktiba sa BFP na imbestigahan ang insidente at inaasahan ko na magsasubmit sila ng report at mga rekomendasyon sa mga susunod na araw,” dagdag pa nito.
Ayon sa inisyal na ulat ng MDRRMO, ilang bahay sa tabi ng isang creek sa Brgy. 294 Alvarado St., Recto, Manila ang gumuho hatinggabi nitong Huwebes matapos mabagsakan ng isang puno.
Siyam ang napaulat na nasaktan habang tatlo naman ang binawian ng buhay sa nangyaring insidente. Kasama sa nasawi ang isang dalawang taong gulang na bata.
Bukod sa BFP at MDRRMO personnel, nagpadala rin ng tauhan ang iba’t ibang fire volunteer groups upang alalayan ang mga biktima ng pagguho.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Abalos sa pamilya ng mga nasawi at inatasan ang mga lokal na opisyal na siguruhin ang paghahatid ng tulong sa mga biktima.
“Nakikiramay tayo sa mga kaanak ng mga biktima ng trahedyang ito. Gayundin, nananawagan tayo sa mga lokal na opisyal na siguruhin ang pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan at gawin ang lahat upang hindi na masundan o maulit ang trahedyang ito,”ani ng Kalihim. VERLIN RUIZ