PAGGUHO SA ISANG BARANGAY PINANGANGAMBAHAN

CANDON ILOCOS SUR MAP

ILOCOS SUR – BINALOT ng takot ang mga residente sa isang barangay nang maitala ang soil erosion sa kanilang lugar sa Candon City.

Ang pagguho ay bunsod ng pag-ulan dahil sa habagat simula pa noong araw ng Sabado.

Sinabi ni Brgy. Amguid Chairman Herminigildo Del Rosario, na 99 percent ng mga bahay sa kanilang lugar ay inabandona na ng mga residente dahil delikado na ang sitwasyon kung saan ay nahati na ang kalsada at umuuga pa ito tuwing bubuhos ang malakas na ulan.

Aniya, tatlong araw na nilang binabantayan ang lugar upang agad na makapag-abiso sa mga kinauukulan sa maaaring mangyari sa kanila.

Aniya, sa loob ng tatlong araw na pagbabantay nila ay tanging biscuit ang kanilang kinakain, wala ring suplay ng tubig at koryente, kung kaya’t mistulang isolated ang lugar mula sa sentro ng Lungsod ng Candon.

Dahil dito, umaapela ng agarang tulong ang kapitan para sa kaniyang mga nasasakupan upang maibsan ang hirap ng kanilang kalagayan.

Duda naman ang kapitan na maaaring hindi lamang malakas na ulan ang rason ng kanilang kalagayan, dahil may ­agam-agam itong posibleng sakop ng fault line ang kanilang lugar.

Noong araw ng Sabado ay tanging bitak lamang sa kalsada ang kanilang nakita ngunit dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan ay unti-unting lumambot ang lupa hanggang sa nahati sa ilang parte ang kalsada. MHILA IGNACIO

Comments are closed.