LANAO DEL SUR – HINDI gagastusan nang malaki ang paggunita sa unang anibersaryo ng Marawi Siege at magiging simple lamang subalit titiyaking makasaysayan at makatotohanan.
Sa ngayon ay naghahanda na ang local government unit ng Lanao del Sur at Marawi City para gunitain ang tangkang pananakop ng Maute-ISIS sa nasabing lungsod noong Mayo 23, 2017.
Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Lt. Col. Romeo Brawner, may mga aktibidad nang inilatag ang Joint Task Force-Bangon Marawi upang sariwain ang pangyayari.
Inihayag ni Brawner na kabilang sa maaaring pagkaabalahan ng internally displaced persons (IDPs) ay ang pag-avail sa medical & dental free services, job fair, anti-terrorism film showing, at marami pang iba.
Tiniyak ng opisyal na nasa ligtas na estado na ang Marawi City mula sa anumang banta ng seguridad dahil sa presensiya ng state forces.
Nagpapatuloy naman ang gobyerno na tulungan ang libo-libong internally displaced person (IDPs) na nawalan ng hanapbuhay at ari-arian hanggang sa tuluyang makabalik muli sa normal na pamumuhay.
Sa datos, libong tao ang nasawi sa bakbakan kabilang si ASG Leader Isnilon Hapilon at magkakapatid na Maute at nasa P70 bilyon ang danyos sa mga ari-arian dahilan kaya apektado ang nasa halos 80,000 mga residente sa Marawi City. EUNICE C.
Comments are closed.