QUEZON CITY – SAMA-SAMANG sumaludo at nagbigay pugay sa watawat ng bansa ang Philippine National Police bilang paggunita sa National Flag Day.
Sa seremonya ay nag-alay rin ng dasal at nanumpa ng katapatan sa watawat ang mga pulis na nagtipon-tipon sa Camp Crame kahapon.
Sa mensahe ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na binasa ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. General Archie Gamboa, sinabi nitong ang watawat ay sumisimbolo sa katatagan ng bansa at sa kalayan na tinamasa ng mga Filipino mula sa mga mananakop.
Sumisimbolo rin ito sa mga sakripisyo ng mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay.
Kaugnay nito, naglagay na rin ng mga watawat ng Filipinas ang PNP sa palibot ng kampo.
Ang deklarasyon ng National Flag Day ay nakabase sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Labinlimang araw ang paggunita nito na mula Mayo 28 at tatagal hanggang sa Araw ng kalayaan sa Hunyo 12.
AFP NAKIISA RIN SA NATIONAL FLAG DAY
Nagsagawa rin ng sabay-sabay na pagsaludo sa bandila ng bansa ang mga sundalo sa iba’t ibang military unit sa bansa.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo nararapat lamang na ipagmalaki ang watawat ng Filipinas sa buong mundo at malaki ang dapat ipagpasalamat dito ng mga Filipino.
Aniya, saksi ang watawat na ginagamit natin ngayon sa mahahalagang yugto ng kabayanihan at kagitingan ng ating mga ninuno.
Ito aniya ang simbulo ng hindi matatawarang sakripisyo ng mga Filipino sa pagtatamo ng demokrasya at kalayaang tinatamasa natin ngayon.
Kaisa aniya ang bawat isang sundalo ng sambayanang Filipino sa pagpupugay sa Watawat, pagtatanggol at pagbabantay sa ating soberanya at teritoryo bilang isang bansa at mamama-yan nito. REA SARMIENTO
Comments are closed.