HINDI matatawaran ang ambag ng overseas Filipino workers (OFWs) sa ekonomiya ng Pilipinas.
Katunayan, kahit may pandemya ay wala silang tigil sa pagpapadala ng pera.
Malaking tulong ang nagagawa ng kanilang remittances sa ating ekonomiya.
Marahil, kung walang ipinadadalang pera ang OFWs, mahihirapang makabangon ang bansa.
Noong Hulyo 1997, napatunayan din ang tulong nila matapos magkaroon ng financial crisis sa Timog Silangang Asya na nakaapekto rin sa bansa.
Bunga ng remittances ng mga OFW, naging mabilis ang pagbangon natin mula sa krisis.
Sinasabing noong kasagsagan naman ng pandemya (2021), aba’y sumirit sa $31.4 bilyon ang cash remittances ng OFWs na mas malaki kumpara sa $29.9 bilyon noong 2020.
Karamihan sa mga nagpadala ay mula sa Estados Unidos, Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar at South Korea.
Subalit sa likod ng malaking remittances na ipinadadala ng mga OFW ay nakakubli ang iba’t ibang karanasan ng mga ito.
Tulad na lamang ng ilang OFWs sa Abu Dhabi at Dubai sa UAE na na-stranded dahil sa lockdown noong 2020.
Noong panahong iyon, karamihan daw sa kanila ay pinalayas sa mga tinitirahan dahil tapos na ang kontrata.
May pinutulan ng koryente ng may-ari ng apartment o villa dahil tapos na ang paninirahan.
Uuwi na sana ang ilan sa kanila pero inabutan ng mahigpit na restrictions at walang flight pauwi ng Pilipinas.
Matindi naman ang naranasan ng tinatayang higit 10,000 OFWs na nawalan ng trabaho sa Kingdom of Saudi Arabia noong 2015 at 2016.
Hanggang ngayon ay hinahabol nila ang kanilang mga dating employer sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW).
Habang isinusulat ko ito, sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na nasa 7,500 na raw ang bilang ng mga nakapagsumite ng kanilang claims sa pamamagitan ng saudiclaims@dmw.gov.ph.
Para raw makuha ito, kailangan na ang kanilang email ay naglalaman ng contact details, record of employment sa KSA, passport number at salary ng concerned claimants bago sila sinibak sa trabaho.
Sa Mayo 1,2023 raw ang deadline ng pagsusumite ng email sa DMW.
Gagawing prayoridad ng Saudi government sa processing ang mga nakapagpadala na ng email.
Kung hindi ako nagkakamali, naglaan ang Saudi ng 2 billion Saudi Riyal para sa claims ng mga OFW.
Nakabibilib ang DMW, at siyempre ang administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., dahil sa pagtatanggol nito sa karapatan at pagsusulong ng interes ng mga OFW.
Well, dapat nga naman silang papurihan at bigyang parangal sa tulong na nagagawa nila sa bansa.
Dahan-dahan na nilang natatamasa ang isinasaad sa Republic Act 11641 o ang Deparment of Migrant Workers na nilagdaan ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Talagang si Sec. Ople rin ang tamang tao sa departamento ng OFWs dahil isa itong taong subok ang kakayahan at nalalaman ang mga pinagdaraanang hirap ng ating mga OFW sa ibayong dagat.