KINUMPIRMA ng isang Obispo ng Simbahang Katolika na puspusan na ang kanilang paghahanda sa inaasahang muling pagbabalik sa mga simbahan ng mga mananampalataya simula ngayong Hulyo 10, Biyernes.
Ito’y matapos na payagan na ng pamahalaan ang pagdalo sa mga banal na misa ng mga mananampalataya na kasya sa 10% ng kapasidad ng bawat simbahan na nasa ilalim na ng general community quarantine (ECQ).
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ngayon pa lamang ay naghahanda na sila upang tumanggap muli ng mga mananampalataya.
Pinasalamatan at pinuri rin ni Pabillo ang desisyong ito ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID).
Ayon kay Pabillo, malaki ang diperensya ng 10-indibiduwal na dating pinahihintulutan, kumpara sa 10-porsiyento ng kapasidad ng mga Simbahan lalo na’t mayroong iba’t ibang laki at kapasidad ang mga Simbahan kung saan maari pa ring pairalin ang physical distancing ng mga mananampalataya.
Sinabi ni Pabillo na bagama’t maliit na porsiyento pa rin lamang ito ng mga mananampalatayang maaring dumalo sa mga pagdiriwang lalo na tuwing araw ng Linggo ay mas naaangkop naman ang panuntunang ito na madaragdagan ang papa-yagang makadalo.
“Palagay ko ‘yung 10-percent na ‘yun ay maganda na yan para sa pang-araw-araw na misa, halos lahat ng magsisimba ay makakapasok na sa Simbahan ang problema lamang natin ‘yung pang-Linggo pero anyway we can wait kapag mag-50-percent na tayo kapag modified na,” aniya.
Kasabay nito, hinikayat din ng Obispo ang iba pang mananampalataya na patuloy na makibahagi sa online masses dahil sa limitado pa rin ang bilang ng mga maaring personal na makadalo sa mga banal na pagdiri-wang. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.