PAGHAHANDA PARA MAKA-SURVIVE SA BIYAHE

BIYAHE-5

(Ni CT SARIGUMBA)

NAKABABAGOT ang mahabang biyahe—eroplano man ang sinasakyan mo, bus, barko o  kotse. Hindi nga naman biro ang umupo ng matagal na oras dahil tiyak na manga­ngawit tayo at mananakit ang likod at puwet.

Sa katunayan, hindi basta-basta ang pagbiyahe lalo na kung matagalan o malayuan ang pupuntahan. Hindi dahil bibiyahe ka ng malayuan ay hindi ka na maghahanda.

Maraming maaaring mangyari sa atin sa daan kapag hindi tayo na­ging handa. Halimbawa na lang dito ay ang pagkagutom, pagkauhaw at kung ano-ano pa.

Kaya naman, sa mga bibiyahe ng malayuan, narito ang ilang paghahanda na kailangang gawin nang makatagal o maka-survive at hindi mabagot:

IHANDA ANG SARILI AT ISIPAN

Bago pa lang bumiyahe ay mainam na kung ihahanda na natin ang sarili at isipan. Alam naman nating maraming puwedeng mangyari sa daan—gaya na lang ng pagka-delay ng flight.

Kailangang handa tayo sa posibleng mangyayari. Kahit na nga naman hindi pa ito nagaganap, kung naihahanda na natin ang sarili ay hindi tayo gaanong maiinis sakaling kaharapin ang nasabing pangyayari.

Mainam din kung magpapahinga ng mabuti bago ang pagbiyahe. At higit sa lahat, ang pagkain ng healthy nang magkaroon ng lakas at talas ng isip. Kung walang laman ang tiyan sa pagbiyahe, tiyak na madaling maiinis. Kapag nainis na sakaling may mangyar-ing aberya ay mahirap nang makapag-isip ng maayos o tama.

Kaya importanteng naihahanda natin, hindi lamang ang ating sarili kundi maging ang isipan.

MAGDALA NG HEALTHY SNACKS

Importante rin si­yempre ang pagdadala ng healthy snacks gaya ng nuts sa biyahe nang makaramdam man ng gutom ay may maipanlalaman sa tiyan.

Sabihin mang nakakain ka bago umalis, hindi pa rin  tayo nakatitiyak na hindi magugutom sa biyahe.

Paano kung na-traffic o kaya naman ay biglang na-cancel ang flight. Para maging handa sa anumang panahon at pagkakataon, magdala ng healthy snacks gaya ng nuts.

SIGURADUHING NAKA-CHARGE ANG GADGET O CELLPHONE

Nakababagot ang matagal na pagbiyahe. Kaya para maaliw ang sarili at maiwasan ang pagkabagot, siguradu­hing naka-charge ang gadget o cellphone nang may mapagkaabalahan habang bumibiyahe.

Huwag din siyempreng kaliligtaan ang pagdadala ng chargers o powerbank kapag bumibiyahe.

Sa kahiligan na­ting kumuha ng litrato at tumambay sa social media sites, madaling mawawalan ng baterya ang ating device.

Kaya para maging handa palagi, bukod sa pagcha-charge ng gadget o device, siguraduhin ding may dalang charger o power-bank.

GUMALAW-GALAW AT MAG-INAT-INAT

Mahirap ang matagalang pag-upo dahil sa nakakangalay ito. Kaya naman, kung nasa eroplano at matagal ang biyahe, gawin ang paggalaw-galaw at pag-iinat-inat nang maiwasan ang pagkangalay.

May mga ehersisyo rin namang puwedeng gawin habang nakaupo gaya na lang ng paggalaw-galaw ng ankles, neck at shoul-ders para mag-circulate ang dugo.

MAGSUOT NG KOMPORTABLENG DAMIT

Para rin hindi mahirapan at maging komportable, komportableng damit din ang suotin sa tuwing bibiyahe—ma­layuan man o hindi.

Magsuot din ng jacket nang hindi malamigan sa biyahe lalo na kung sasakay ng eroplano. Puwede rin ang pagdadala ng scarf nang may maipambalot sa leeg.

Pagdating naman sa sapatos, iwasan ang pagsusuot ng may takong nang hindi mahirapan.

MAGDALA NG LIBRO NANG MAKAPAGBASA

Bukod din sa gadget o device na nakapagpapawala ng bagot natin, mainam din ang pagdadala ng libro nang may mabasa habang bumibiyahe.

Nakapagpapa-relax din ang libro at nakatutulong sa isipang maka­pagdesisyon o makapag-isip ng mas mabilis.

MAGING KALMADO HABANG BUMIBIYAHE

Importante rin ang pagiging kalmado habang bumibiyahe. Kung safe naman ang sinasakyan, maaaring umidlip sa biyahe.

Para rin maiwasang maabala ng mga kasabayang pasahero, maa­aring magdala ng earphone at makinig ng musika. Sadya nga namang nakababagot ang bumiyahe lalo na kung ma­layuan ang ating pupuntahan.

Gayunpaman, maraming paghahanda ang kailangan nating gawin nang maging matiwasay at masaya ang ating pagbiyahe.

Comments are closed.