(Pagpapatuloy)
KAHIT na mayroon na lamang higit limang linggo bago dumating ang araw ng Pasko, may panahon pa para bumuo ng badyet para sa paparating na mga okasyon.
Ayon sa mga eksperto sa pagbabadyet, mahalaga ang makatotohanang pagtingin sa kung ano lamang ang kaya nating gastusan bago gumawa ng anumang desisyon upang maglabas ng salapi—para sa mga regalo man, dekorasyon, pagbibyahe, pagkain, at iba pa.
Ang tunay na susi ay ang maingat na pagpaplano at paggawa ng makatotohanang listahan o badyet.
Kung maisasagawa ito, maiiwasan ang wala sa planong paggasta.
Hindi ipinapayong mangutang pa para lamang magkaroon ng masayang pagdiriwang. Kasama na rin sa dapat ingatan ay ang paggamit ng credit card at pag-a-add-to-cart. Bigyan ng panahon ang pagka-canvas upang makahanap ng mas murang bilihin na hindi isinasakripisyo ang kalidad, bago maglabas ng anumang halaga. Bukod pa riyan, hindi rin naman masamang suportahan o isali ang maliliit at lokal na mga negosyo sa ating pamimili o pagsha-shopping.
Nitong mga nakaraang Pasko, nakita natin ang pamamayagpag ng online shopping na pinangunahan ng mga platforms na gaya ng Lazada at Shopee. Punom-puno rin ang schedule ng mga courier o delivery companies. At ngayon namang halos balik-normal na ang mga tao kung ang pagkilos (mobility) ang pag-uusapan, sinasabing mas gusto umano ng mga mamimili, lalo na ng mga kabataan (Gen Z), na bumili sa mga pisikal na tindahan at malls dahil mahalaga sa kanila ang aktwal na danas.
Isa itong importanteng oportunidad para sa mga negosyante upang matugunan ang kagustuhan ng kanilang mga kostumer sa demograpiyang ito.