(Pagpapatuloy…)
Ang nagsimula at CEO ng Moelis & Co. na si Ken Moelis ay naniniwala na papunta na ang mundo sa deglobalization, o ang pagtuon ng mga bansa sa sariling kapakanan upang masigurong mayroon silang sapat para sa kanilang sariling mamamayan. Dahil sa mga nagaganap sa ating paligid ngayon, kailangang siguruhin ng bawat bansa na mayroon silang kontrol sa kanilang sariling pagkain at enerhiya, aniya. Kung hindi, malamang ay magkaroon ng matinding pinsala sa mga bansang hindi handa kung sakaling pumalo sa US$200 ang presyo ng langis at gasolina.
Nararapat lamang na maging mapagmatyag tayo sa mga panganib na maaari nating kaharapin, makinig sa payo ng mga eksperto sa ekonomiya tulad ng mga resource persons na nabanggit, at higit sa lahat, maghanda para sa maaaring mangyari. Lalo na at ang bagong gobyerno ay nagsisimula pa lamang sa mga gawain nito at kasalukuyang pumipili ng mga bagong lider ng bansa at naghahanda ng mga bagong proyekto para sa susunod na anim na taon.
o0o
Nais kong imbitahin ang lahat sa aming art exhibit na magbubukas sa ika-6 ng Agosto 2022 sa ganap na alas-4 ng hapon. Ang “Nature Nurture” ay isang two-man art show ng inyong lingkod at ni Nida Hemedes Cranbourne sa ArtistSpace, Ground Level, Ayala Museum Annex, Makati Avenue corner Dela Rosa St, Greenbelt Park, Makati City.
Umaasa akong mabibisita ninyo ang eksibisyong ito, kung hindi man sa artists’ reception ay sa mga susunod na araw hanggang sa ika-16 ng Agosto.
Ang ArtistSpace ay bukas mula alas-11 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.