NAGSIMULA na nitong Miyerkoles lamang ang panahon ng Kuwaresma.
Kung ikaw ay isang Katoliko at wala ka pang plano para sa Lent, ito na ang tamang oras para pag-isipan kung ano ang gagawin mo ngayong Kuwaresma.
May tatlong bagay na iminumungkahi ang simbahang Katoliko — panalangin, pangingilin, at pagbibigay ng tulong sa kapwa.
Ngayong Lent, mainam na simulan ang araw-araw na panalangin, lalo na’t kung ito ay isang bagay na hindi mo pa ginagawa. Ang panalangin ay katumbas ng pakikipag-usap sa Diyos, at ito ay isang paraan upang mapalalim ang ating relasyon sa ating Maykapal. Labinlimang minuto o higit pa ang inirerekomendang tagal ng pagdarasal. Maaari ring gawin ang araw-araw na pagrorosaryo o pagnonobena.
Ang ikalawang bagay ay ang fasting o pangingilin. Ito ay tumutukoy sa pangingilin sa pagkain.
Halimbawa, maaaring alisin ang karne sa hapag sa araw ng Biyernes. Sa mga araw na kagaya ng Ash Wednesday at Good Friday, pinapayuhan ang mga Katoliko na may edad 18 hanggang 59 na mangilin, maliban na lamang kung buntis o may sakit, halimbawa. Isang paraan ng pangingilin ay ang pagkain ng isang beses, at dalawang beses pang maliliit lamang na dami ng pagkain.
Ang ikatlo naman ay ang pagbibigay ng tulong o limos sa kapwa (almsgiving). Bawat isa ay hinihikayat na magbigay ayon sa kakayahan, o isang halaga na sapat upang maramdaman ito ng nagbigay.
Ipinapaalala rin na maging maingat sa kung sino ang pagbibigyan. Siguraduhin nating karapat-dapat ang tao, charity o organisasyon na tatanggap ng ating tulong. Kung wala namang salapi na puwedeng maibahagi, puwedeng magbigay ng panahon o gawa, kagaya ng iba’t ibang uri ng volunteer work.
Gawin nating makabuluhan ang Kuwaresmang ito sa pamamagitan ng paghahanda at pagkakaroon ng mga resolutions.