PAGHAHANDA SA JOB INTERVIEW

JOB INTERVIEW

(Ni AIMEE GRACE ANOC)

MARAMI sa atin ang naghahangad na magkaroon ng magandang trabaho sa isang kompanya. Ngunit bago maabot ito kakailanganin muna nating dumaan sa ilang interviews.

Narito ang ilan sa mga dapat gawing paghahanda sa job interview:

BACKGROUND CHECK

Isa sa mga pinakaunang kailangang gawin ay ang alamin ang background ng inaaplayan mong kompanya. Mag-research tungkol sa kompanyang inaaplayan upang malaman kung anong klase ng empleyado ang kailangan nila at kung ano ang taglay na kakayahan nito.

Kung may sapat na kaalaman sa kompanyang nais pasukan ay mas magi­ging madali ang pagsagot sa tanong ng mga ito at makapaghahanda ring mabuti. Masisiguro mo rin kung swak ka ba sa iyong inaaplayan kapag may sapat kang kaalaman sa pasikot-sikot ng kompanyang nais aplayan.

Ilista rin ang lahat ng mahahalagang impormasyon na sa tingin mo ay makatutulong sa iyo. Pagkatapos, alamin mo ang maha-halagang tungkulin sa inaaplayan mong puwesto.

MAGDALA PALAGI NG RESUME

Saan ka man mag-aaplay, napakahalaga ng pagdadala ng resume. Isa ito sa kaagad na hinahanap ng mga employer.

Naglalaman ito ng mahahalagang impormasyon tungkol sa iyong sarili kaya naman kinakailangan na maging tapat ka sa mga ilalagay mo.

Mahalaga ring maayos ang pagkakagawa at hanggang dalawang pahina na lamang.

Pag-isipin mo ring mabuti ang ilalagay mong obhektibo at reperensya. Kinakailangang kilala ka talaga ng mga taong inilagay mo sa iyong resume dahil madalas tinatawagan ito ng kompanyang pinag-aplayan mo.

Q & A

Maging handa. At isa sa paraan upang maging handa ay ang pag-iisip ng mga posibleng tanong na maa­aring lumabas sa inter-view at konektado sa inaaplayang posisyon.

Ilan sa karaniwang itinatanong ay kung sino ka, bakit gusto mong mag-apply sa kompanya nila, ano ang alam mo tungkol sa kompanya, ano ang mga kakayahan mo, pangarap mo sa buhay, bakit kailangan ka nilang tanggapin, at ano ang maaari mong ma-gawa para sa kompanya. Kinakailangang ma­ging tapat ka lamang sa mga isasagot at huwag kang magmataas o magmagaling.

Importanteng ipakita mo sa kanila na mapagkakatiwalaan ka, positibo kang tao at nararapat ka nilang tanggapin.

MAG-PRACTICE SA PAGSASALITA AT PAGSAGOT

Importante ring napapraktis mo ang pagsagot ng mga tanong. Puwede kang humingi ng tulong sa mga kaibigan at kapamilya. Magpi-pretend silang employer at tatanungin ka nila ng mga posibleng itanong sa iyo. Ikaw naman ang sasagot na parang nasa harap ka ng totoong mga employer o interviewer.

Sa ganitong paraan ay mapapraktis mo ang iyong pagsasalita. Gayundin ang pag-iisip ng isasagot sa mga posibleng itanong sa iyo.

ATTIRE AND APPEARANCE

Paghandaan mo rin kung ano ang isusuot mo. Kinakailangang maging presentable, malinis, at maayos ang iyong itsura. Para sa mga kababaihan, huwag masyadong kapalan ang paglalagay ng make-up. Alalahaning job interview iyon at hindi party. Para  naman sa mga kalalakihan, mas makabubuti kung maglalagay kayo ng kaunting face powder para naman hindi mahalatang namumutla o kinakabahan kayo.

MAGING HANDA SA MGA POSIBLENG ITANONG

May mga tanong na kung minsan ay hindi natin gaanong gusto. Pero hindi naman natin nalalaman ang itinatakbo ng mga inter-viewer at kung ano ang nais nilang itanong sa iyo.

Kaya naman, maging handa sa lahat ng klase ng itatanong nila—personal man o hindi.

TAMANG PAGKILOS

Sa bahay pa lamang ay sanayin mo na ang iyong sarili sa mga gagawin mong pagkilos. Kapag nasa job interview ka na, ma-halagang maging mahinahon ka lamang. Umupo ng maayos at tumingin sa mata ng kinakausap.

HUWAG SUMUKO

Minsan, pagkatapos pa lang ng interview ay nalalaman na natin kung pasok tayo o hindi base na rin sa isinagot natin at maging sa kilos at pananalita ng ating kausap o nag-interview sa atin.

Sabihin mang hindi naging maganda sa tingin mo ang kinalabasan ng interview, huwag pa ring mawawalan ng pag-asa. Puwede kang tumawag at magtanong kung kumusta ang kinalabasan ng interview.

Oo, normal lamang na kabahan ka ngunit importante pa ring magpokus sa taong kumakausap sa iyo. Ikampante mo ang iyong isipan at sumagot ng naaayon sa tanong. Kung hindi mo talaga alam ang isasa-got mo ay maging tapat ka lamang. Huwag mong kalilimutang batiin sila bago at pagkatapos ng inter-view. (photo credits: zeltser.com, naukrigulf.com at lnc.com)

Comments are closed.