(Paghahanda sa pagdating ni ‘Florita’) 2 DAM SA NL NAGPAKAWALA NA NG TUBIG

DALAWANG malaking dam sa Northern Luzon na sinasabing daanan ng Tropical Storm Florita ang nagsimula nang magpakawala ng tubig bilang paghahanda sa maaaring maging epekto ng bagyo matapos na ilagay sa signal number 2 ang ilang lalawigan dito.

Sa huling weather bulletin na inilabas kahapon ng umaga ay naging ganap nang isang tropical storm ang bagyong Florita kaya itinaas ng PAGASA ang Tropical Wind Signal No.2 sa ilang bayan sa Luzon.

Ang Binga Dam sa Benguet ay nagbukas ng isa sa kanilang mga gate na nasa 0.30 meter. Ang reservoir water level (RWL) ay nasa 574.43 meters dakong alas-6 ng umaga at malapit na ito sa 575-meter spilling level o normal high water level (NHWL).

Samantala, ang Magat Dam sa Isabela ay nagbukas din ng isang gate ng dam na nasa 0.50 meter. Ang reservoir water level ay nasa 187.10 meters at ilang metro na rin para maabot ang 190-meter spilling level o normal high water level (NHWL)

Ayon sa Pagasa, taglay ngayon ng naturang bagyo ang maximum sustained winds na 75 kph malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 90 kph. Kumikilos ito sa direksyong kanluran timog-kanluran sa bilis na 15 kph.

Sa ngayon, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa eastern portion ng Cagayan (Enrile, Tuguegarao City, Peñablanca, Iguig, Baggao, Gattaran, Lal-Lo, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Santa Ana), eastern at central portions ng Isabela (Cabagan, San Pablo, Santa Maria, Maconacon, Divilacan, Palanan, San Mariano, Ilagan City, Delfin Albano, Tumauini, Santo Tomas, Quezon, Mallig, Roxas, Quirino, San Manuel, Aurora, Cabatuan, Luna, Burgos, Gamu, Reina Mercedes, City of Cauayan, Alicia, San Isidro, Echague, Jones, San Agustin, San Guillermo, Angadanan, Naguilian, Benito Soliven, Dinapigue) ang extreme northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran) at northeastern portion ng Quirino (Maddela)

Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, nalalabing bahagi ng Isabela at Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, La Union, Ilocos Norte, Ilocos Sur, northern at central portions ng Aurora (Dinalungan, Dipaculao, Baler, Maria Aurora, San Luis) at northern portion ng Polillo Island (Panukulan, Burdeos)
Dahil sa bagyo, mararanasan ngayon ang mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Batanes, Aurora, Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union.

Bukas, asahan naman ang malakas hanggang sa intense at minsan naman ay torrential rains sa Cagayan, Isabela, Batanes, Cordillera Administrative Region at Ilocos Region.

Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan din ang mararanasan sa northern portion ng Aurora, Zambales, Bataan at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.

Nagpaalala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng ibayong pag-iingat sa mga residente ng mga probinsya na maaaring maapektuhan ng posibleng pananalasa ng Bagyong ‘Florita’ .

Sa pagtaya ng PAGASA, Ang mga lugar na inilagay sa ilalim ng tropical cyclone wind signals ay pinapayuhang maghanda para sa pinsala sa mga istruktura, halaman, at mga pananim na pang-agrikultura.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang suspensyon ng mga klase mula pre-school hanggang primary level para sa buong lalawigan dahil sa masamang panahon.

Partikular na idineklara ang suspensyon ng mga klase hanggang sekondarya sa mga bayan ng Alcala at Baggao. VERLIN RUIZ