PAGHAHANDA SA SEAG TUTUTUKAN

William Ramirez

PINAALALAHANAN ni Philippine Sports Commission Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga namumuno at coach  sa 56 National Sports Associations na agad sanayin ang kanilang mga atleta sa sandaling bumalik sa normal ang kalagayan ng bansa at tuluyan nang mapuksa ang COVID-19 bilang paghahanda sa  Vietnam Southeast Asian Games sa susunod na taon.

“The time frame of our preparation is so short,” sabi ni Ramirez.

Dahil walang exposure, inatasan  ni Ramirez ang mga coach na tutukan nang husto ang paghahanda ng kanilang mga atleta.

“Hindi lang naman tayo ang walang foreign exposures. Lahat ng kalaban natin wala ring exposures. Walang nakalalamang, free-for-all ang labanan, matira ang matibay,” wika ni Ramirez.

Inulit  ni Ramirez ang battlecry na “We win as one and we work as one”, na susi sa tagumpay ng bansa sa nakaraang SEA Games ginawa sa Pinas.

“Always remember at ilagay sa isipan ang katagang ginamit natin sa nakaraang  SEA Games para magtagumpay dahil ang ating  mission sa Vietnam ay manalo ng maraming medalya,” pahayag ni Ramirez.

“Importantly, we have to perform excellently in medal rich athletics and swimming and figure prominently in other sports to achieve the ultimate goal,” ani Ramirez.

Mahigit 48 golds sa athletics at 45 sa swimming ang paglalaban sa dalawang sports na crowd drawer sa SEA Games, Asian Games at Olympic Games. CLYDE MARIANO

Comments are closed.