APRUBADO na sa Senate Committee on Local Government ang panukalang paghahati ng Lalawigan ng Maguindanao sa dalawang magkahiwalay na probinsya.
Ayon kay Senador Francis ‘Tol’ Tolentino, Chairman ng Senate Committee on Local Government, bagama’t hitik sa biyaya ng likas na yaman ang Maguindanao, nananatili pa rin itong isa sa mga pinaka mahirap na lalawigan sa bansa.
Paliwanag ni Tolentino, napapanahon na upang hatiin ang Maguindanao sa dalawang lalawigan bilang bahagi ng pambansang reporma upang mas mapabilis ang pagdating ng serbisyo para halos 1.174-milyon nitong residente.
“Reforms must be done in order to remedy this predicament and one way to ensure this is by splitting the province into two,” ani Tolentino.
Tatlong panukalang batas ang nakahain ngayon upang hatiin ang Maguindanao sa timog at hilagang bahagi nito.
Kabilang dito ang House Bill No. 6413 ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu na aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Kamara, Senate Bill No. 1824 na inihain ni Tolentino at Senate Bill No. 1714 na panukala ni Senadora Cynthia Villar.
Sa ilalim ng mga nasabing panukala, 12 bayan ang bubuo sa Northern Maguindanao, kung saan ang bayan ng Datu Odin Sinsuat ang magiging sentro nito.
Samantala, 24 na munisipalidad ang bubuo sa Southern Maguindanao at pinag-aaralan pa ang magiging administrative capital nito.
Para sa Bureau of Local Government Finance, isang ahensya sa ilalim ng Department of Finance (DOF), pasado at financially compliant sa ilalim ng Republic Act No. 7160 or anf Local Government Code of 1991 ang paghahati ng Maguindanao
Ayon Director Ma. Pamela Quizon ng Bureau of Local Government Finance, lusot sa income requirements sa ilalim ng Local Government Code ang mga bayan na bubuo ng Northern at Southern Maguindanao.
Para kay naman Tolentino, ang paghahati ng Maguindanao ay isang hakbang upang mabawasan ang kahirapan hindi lamang sa nasabing lalawigan, kundi maging sa buong bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.