PAGHAHATID NG CCT PINABIBILISAN

DISMAYADO si Senadora Nancy Binay sa umano’y  mabagal na pamamahagi ng Conditional Cash Transfer sa mga mahihirap na kababayan kasabay ng pagtaas ng inflation rate na umabot sa 4.4% na lumabas sa isinagawang pagdinig sa senado.

Sa panayam, sinabi ni Binay na hindi ito kuntento sa aksiyon ng DSWD sa pama-mahagi ng CCT lalo na ngayon na tumaas na ang presyo ng bilihin dahil sa epekto ng Train law at kawalan ng supply ng NFA rice.

Nananawagan si Binay ng agarang pamamahagi ng CCT at bukod sa Landbank ay  magha­nap agad ng alternatibong bangko at paraan para maipamahagi na ang tulong sa mga mahihirap.

Naunawaan naman ni Binay ang DSWD noong mga nakaraang buwan dahil sa abala sa pagsabog ng Bulkang Mayon, at Marawi siege.

Subalit, iginiit ni Binay na tapos na ang mandato ng DSWD sa mga nabanggit na trahedya kung kaya’t dapat nang maipamahagi ang tulong pinansiyal sa mga mahihirap na u­nang tinamaan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.     VICKY CERVALES

Comments are closed.