PAGHAHATID NI SPEAKER ROMUALDEZ NG HIGIT P500-M AYUDA NI PBBM TAGUMPAY

NAGING matagumpay ang paghahatid ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng mga serbisyo at tulong pinansiyal ng administrasyong Marcos, kabilang ang libreng bigas, ayuda sa mga magsasaka, at scholarship sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa 80,000 residente ng Zambales nitong Sabado at Linggo.

Nagkakahalaga ng mahigit P500 milyon ang tulong pinansiyal, pangkabuhayan, scholarship, at iba pang serbisyo publiko na naiparating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa dalawang araw na event.

Nasa 3,000 ang benepisyaryo ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program. Nakatanggap ang mga ito ng P950 halaga ng bigas at P1,050 cash na pambili ng iba pang pagkain.

“Kaya aming inilunsad itong CARD program na layong bigyan ng tulong ang mga nahihirapang kababayan natin sa pamamagitan ng tulong-pinansyal at bigas,” ani Speaker Romualdez.

Nasa 3,000 magsasaka rin ang nabigyan ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos, ayon kay Speaker Romualdez.

Isang bagong programa ang FARM na inilunsad ni Romualdez na layuning tulungan ang mga magsasaka na maparami ang kanilang aning palay upang dumami ang suplay ng bigas sa bansa at hindi na kailanganin pang mag-angkat.

Umabot naman sa 4,000 estudyante sa Zambales ang nakatanggap ng tulong pinansiyal at scholarship sa ilalim ng Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP).

Inisyatibo ng tanggapan ni Romualdez ang ISIP sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya ng administrasyong Marcos upang maalalayan ang mga mahihirap na estudyante na makapagtapos ng pag-aaral.

Nakatanggap ng P2,000 tulong pinansiyal ang bawat benepisyaryo ng Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED at makatatanggap din ng P15,000 kada semestre.

Ayon kay Romualdez, pagtupad sa pangako ni Pangulong Marcos ang pagkakaloob ng tulong at ayuda sa mga Pilipino.

“Ipapaabot natin ang pagmamahal ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa mga Zambaleños sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan na ito. Dadalhin namin ang serbisyo ng pamahalaan sa inyo, tulad ng pangako ng ating mahal na Pangulo,” aniya pa.