PAGHALIK SA BABY, IWASAN DAHIL SA PERTUSSIS

NAGLABAS ng babala ang Department of Health (DOH) sa mga magulang at guardians na iwasan muna kung maaari na halikan ang kanilang mga sanggol sa labi para maiwasan ang transmission ng pertussis na isang highly contagious bacterial respiratory infection.

Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Tayag na may iba pang mga hakbang na maaring gawin upang ilayo ang mga bata sa impeksyon, bagamat binigyang-diin na ang pertussis o “whooping cough” ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga sanggol na kasing edad ng 6 na linggo.

Paalala ni Tayag sa mga magulang, iwasan munang halikan sa labi ang mga baby o bagong silang na sanggol at kung may kaunting sipon ay kailangang magsuot ng mask at maghugas ng kamay bago kargahin ang baby.

Maaring maipasa ang pertussis kapag ang isang nahawaang tao ay bumahing o umubo sa loob ng tatlong talampakan.

Nagdudulot din ito ng mga sintomas na tulad ng trangkaso tulad ng lagnat,sipon at ubo –pito hanggang 10 araw pagkatapos ng pagkakalantad.

Maari rin makaranas ang mga bata ng apnea o paghingal, hirap sa paghinga at pagsusuka.

Sa ngayon, dalawang lugar ang idineklarang may outbreak ng pertussis, ang Quezon City at Iloilo City.

Sinabi ng DOH na ang karagdagang tatlong milyon pang pentavalent vaccine doses ay inaasahang darating sa Pilipinas “sa pinakamaagang posibleng panahon.”

Ang bakunang ito ay magpoprotekta hindi lamang laban sa pertussis, kundi pati na rin laban sa Diphtheria, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B.
PAUL ROLDAN