PAGHANAP NG ANGKOP NA PAMAMARAAN SA PAGKONTROL SA COVID-19

JOE_S_TAKE

MARAMING mga pinuno ang piniling magpatupad ng lockdown sa kani-kanilang bansang kinasasakupan upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19. Sa puntong mag-umpisa nang bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing virus, kailangang magkaroon ng mahusay na plano ang pamahalaan kung paano paunti-unting luluwagan ang panuntunan ng quarantine upang makaiwas sa mga matitinding negatibong epekto ng lockdown sa mga mamamayan at sa ekonomiya ng bansa.

Maging ang World Health Organization (WHO) ay hinihimok ang mga pinuno ng mga bansa na iwasan ang paggamit ng lock-down bilang pangunahing pamamaraan sa pagkontrol ng pagkalat ng virus sa bansang kinasasakupan.

Ayon kay Dr. David Nabarro ng WHO, hindi nila hinihikayat ang paggamit ng lockdown bilang pangunahing pamamaraan sa paglaban sa virus. Ito ay karapat-dapat lamang gamitin kung kinakailangan ng panahon at pagkakataon upang ayusin at mas repasuhin ang istratehiya ng bansa, kung hiling ng mga health worker na siyang pangunahing humaharap at gumagamot sa mga nagkakaroon ng COVID-19.

Ang pagbagsak ng industriya ng turismo at ang pagtaas ng antas ng kahirapan sa isang bansa ay ilan lamang sa napakatinding epekto ng matagal na pagpapatupad ng lockdown sa bansa. Filipinas ang may pinakamatagal na ipinatupad na lockdown sa buong mundo at dahil dito, bumagsak din ang turismo at iba pang industriya. Marami ang negosyong naapektuhan. Marami rin ang nawalan ng trabaho bunsod ng mga pagbabagong isinagawa ng mga nagnenegosyo upang mas makatipid sa operasyon. Sa madaling salita, matindi ang naging epekto ng pandemyang ito sa takbo ng ating ekonomiya. Isa pa man din ang Filipinas sa may pinakamagandang takbo ng ekonomiya sa Timog Silangang Asya bago nangyari ang pandemyang ito.

Sa kabila ng matagal na pagpapatupad ng community quarantine sa bansa, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa bawat araw. Ito ay nangangahulugan na hindi maaaring umasa lamang sa lockdown sa pagpigil ng pagkalat ng virus. Kailangang umandar ng ekonomiya. Kailangang mahanap ng pamahalaan ang balanse sa pagitan ng pagsiguro sa kaligtasan ng mga mamamayan mula sa virus at ng pagsiguro na magpapatuloy ang takbo ang ekonomiya upang muling makabangon.

Bagama’t wala pa ring bakuna para sa COVID-19, may mga bansang kinayang mapigilan ang pagkalat nito gaya ng New Zealand, Vietnam, at Sweden.

Iba ang naging pamamaraan ng Sweden sa pagharap sa COVID-19. Hindi gaya ng napakaraming bansa, hindi nagpatupad ang Sweden ng lockdown upang makontrol ang pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19. Noong una ay maraming bansa ang humusga sa pamamaraang ito ng Sweden. Ngunit ngayon, lumalabas na tila epektibo ang ginawang sistema ng Sweden at ito ang dapat tularan ng ibang bansa.

Ayon kay Johan Carlson, ang director general ng Public Health Agency ng Sweden, bagama’t maraming buhay ang maililigtas ng pagpapatupad ng lockdown, hindi naman ito maaaring gawing pangmatagalan. Bagama’t hindi tuluyang mapipigilan ang pagkalat ng virus, maaari naman itong makontrol. Batid ng Sweden na ang sistemang ipinatupad ng Europa ay hindi pangmatagalang solusyon kaya napagdesisyunan nilang humanap ng solusyon na pangmatagalan at epektibo sa pagkontrol sa pagkalat ng virus.

Ligtas din ang ekonomiya ng Sweden sa malupit na epekto ng pagpapatupad ng lockdown. Bagama’t lnaapektuhan ang ekonomiya, hindi ito singlala ng sa ibang bansa. Halos normal pa rin ang takbo ng buhay sa Sweden. Nagpatuloy ang pagpunta ng mga tao sa mga kainan, paaralan, at mga pook-pasyalan sa kabila ng pandemya. Ang tinutukan ng pamahalaan ng Sweden ay ang pagbabawal sa mga salo-salo upang makontrol ang pagkalat ng virus sa kanilang bansa. Sa kabila ng kakulangan sa pagpapatupad ng mahigpit na mga panuntunan patungkol sa pagkontrol ng virus, tila epektibo ang pamamaraang ito sa kanilang bansa.

Ang naging istratehiya naman ng New Zealand ay ang bilis sa pagkilos. Bukod sa panandaliang lockdown, nakatulong din sa mabilis na pagkontrol ng virus ang epektibong sistema ng isolation at contact tracing. Ito ay isang bagay na natutunan ng New Zealand mula sa joint mission na isinagawa ng WHO at China noong Pebrero. Hindi naman nagkamali ang New Zealand sa kanilang desisyon dahil isa sila sa mga unang mga bansa na naging matagumpay sa pagkontrol sa virus.

Sa pamamagitan ng mga impormasyong ito ukol sa kung paano napagtagumpayan ng ibang mga bansa ang pagkontrol sa COVID-19, ay nalalaman natin na hindi lamang lockdown ang maaaring paraan upang gawin ito habang tayo’y naghihintay sa paglabas ng bakuna. Wala pang kasiguraduhan kung kailan lalabas sa merkado ang bakuna laban sa COVID-19 kaya’t malaking tulong ang makahanap ng istratehiya na magiging epektibo para sa ating bansa. Walang isang tamang paraan upang malabanan ang virus.

Bagama’t patuloy pa rin nadaragdagan ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa ating bansa, tiwala naman akong gumagana ang istratehiyang ipinatutupad ng pamahalaan. Kailangan lamang ay mas pag-ibayuhin pa ang sistema at makahanap ng tamang balanse kung saan ligtas ang mga tao mula sa virus at ang ekonomiya ay may pagkakataon pa ring makabawi at lumago.

Bukod sa iba’t ibang uri ng community quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan at sa mas pinalawig na COVID-19 testing, mas makatutulong kung magkakaroon ng epektibo at mabilis na sistema ng contact tracing sa ating bansa gaya ng sa New Zealand. Kung mas mabilis nating madidiskubre ang mga positibong kaso, mas mabilis din itong makokontrol. Ngunit upang mangyari ito, kailangan ding maging responsable at tapat ng mga mamamayan lalo na kung may sintomas o exposure.

Ang mga istratehiya ng pamahalaan ay hindi magiging epektibo kung walang pagkakaisa sa bansa. Hindi ito ang tamang panahon para sa politikal na hidwaan. Ang pagiging epektibo ng istratehiya ng isang bansa ay nakadepende rin sa pagiging masunurin at pakikiisa ng mga mamamayan nito. Hindi man tayo sing-yaman ng ibang bansa, ako ay naniniwalang basta’t gagawin ng lahat ang kanilang responsibilidad at kung tayo’y magkakaisa, pasasaan pa’t masusupil din natin ang COVID-19. Balang araw ay muling mamamayagpag ang ekonomiya ng ating bansa.

Comments are closed.