PAGHANDAAN ANG LA NIÑA

TINAYA ng Philippine Atmosphe­ric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posible ngayong buwan ay magsimula na ang matinding pag-ulan na characteristic ng La Niña.

Ibig sabihin nito, sunod-sunod na malalakas na pag-ulan ang maaaring asahan kaya naman dapat na itong paghandaan ng lahat.

Lalo na ang mga nakatira sa mga dalisdis at mababang lugar habang sa Metro Manila ay dapat nang linisin ang mga flood way estero at flood line.

Una nang sinabi dati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa na ang pamahalaan para sa pagdating ng La Nina gaya  ng pagtatayo ng flood control projects.

Habang sinabihan na rin ang iba pang ahensiya ng pamahalaan para ihanda ang mga kakailanganin ng mga maaapektuhan ng La Niña.

Ang lahat ng departamento kasama na ang sa agrikultura ay pinaghanda na rin sakaling maapektuhan ang mga pananim at hayupan.

Maging ang disaster response team ng bansa ay inabisuhan na sakaling magdulot ng malawak na pagbaha ang tuloy-tuloy na pag-ulan.

Panawagan pa sa publiko na tiyaking nakabukas  ang radyo, tele­bisyon o internet sa pagkuha ng update kaugnay sa panahon.