PAGHANDAAN ANG PASUKAN

alex santos

ILANG linggo na lamang ay magbubukas na ang klase sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan.

Balik-eskuwela na ang mga bata habang balik-pasakit sa mga nakatatanda o magulang.

Abala na nga ang mga paaralan sa dumaragsang enrollees.

Bukod diyan, dagsa na rin ang mga magulang sa Divisoria, Quiapo at Baclaran para ipamili ng mga gamit sa eskuwela ang kanilang mga anak.

Naigagawa ng paraan na maipa-enrol ang kanilang anak at maibili ng mga gamit kahit marami ang kinakapos sa pa­ngangailangan sa buhay.

Mahirap man o ma­yaman, mahalaga ang edukasyon.

Laging handa ang mga magulang para sa darating na pasukan.

Ang problema nga lang daw ay ang kahandaan ng Department of Education (DepEd).

Kulang na naman daw ang mga classroom.

Dati na itong problema at bumabalik o naaalala lamang tuwing sumasapit ang pasukan.

Sa totoo lang, mukhang taon-taon nang may mga estudyante na hindi malaman kung saan idaraos ang kanilang klase.

Nawa’y paghandaan ito nang mabuti ng kinauukulang ahensiya.

Noong mga nakaraang taon, nagdudumilat ang katotohanan na may mga paaralan pa ring kapos sa badyet kahit malaking pondo na ang ibinubuhos dito ng pamahalaan.

Kaya ang ilang estudyante ay nagkaklase sa lobby ng school at mayroon namang sa da­ting comfort rooms.

Mismong ang mga guro na ang gumagawa ng paraan para makapagklase sila.

Kung hindi kasi sila kikilos, nakakaawa naman ang mga mag-aaral na naghahangad ng edukasyon at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Sa pagpasok ng panibagong school year, asahan nang daragsa pa sa mga pampublikong eskuwelahan ang mga estudyante dahil na rin sa taas ng matrikula sa mga pribadong eskuwelahan.

Mahalagang tutukan nang maigi ang naturang mga suliranin.

Bigyang-pansin at huwag balewalain ang para sa edukasyon ng kabataan sapagkat sila ang itinuturing na pag-asa ng bayan.

oOo

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng u­maga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng public service program sa PTV 4, ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y medya ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood ninyo rin ako sa PTV SENTRO BALITA araw-araw sa ala-1 ng hapon. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos​.

One thought on “PAGHANDAAN ANG PASUKAN”

  1. Thanks , I have lately been searching for info about this topic for ages and yours may be the ideal I’ve discovered till now. But, what about the conclusion? Are you certain about the source?

Comments are closed.