PAGHARANG SA 400 MANOK NA PANABONG MULA U.S. DINEPENSAHAN

NAGPALIWA­NAG ang Department of Agriculture (DA) kung bakit naharang sa  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang halos 400 manok na panabong mula Amerika.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang  naganap na panghaharang ay bahagi lamang ng hakbang ng  Bureau of Animal Industry (BAI)  upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng avian flu o bird flu sa bansa.

Nagiging maingat lamang, aniya, ang ahensiya upang maprotektahan ang poultry industry at ang lumalagong gamefowl breeding sector ng bansa.

Kaugnay nito, nabatid na nagsagawa na ang BAI ng random sampling sa 30 manok na panabong upang malaman kung positibo ang mga ito sa avian flu.

Kapag nagnegatibo ang mga ito ay saka pa lamang ito opisyal na idi-discharge ng ahensiya.

Magugunitang noong Enero ay ipinagbawal ng DA ang pag-aangkat ng manok at poultry products mula sa Amerika bunsod ng naitalang H5N1 outbreak sa California at Ohio.

DWIZ 882