PAGHATI SA BIR-QC, MAKATI ‘DI MATUTULOY?

Erick Balane Finance Insider

HANDA na ang planong hatiin sa dalawang regions ang Makati City Regional Office ng Bureau of Internal Revenue (BIR), gayundin ang Quezon City Regional Office subalit wala umanong pondo para maisakatuparan ito.

Ang dahilan ay walang nakalaang budget para sa implementasyon nito o hindi nakapaloob sa inaprubahang P3.7 trillion 2019 national budget ni Pangulong Rodrigo Duterte, maging sa inaprubahang regular budget ng BIR.

Plano sanang hatiin sa dalawang bahagi ang BIR Makati Regional Office. Ang isa ay tatawa­ging BIR-Makati-A na bubuuin ng North, East, West at South Makati District Offices habang ang ikalawang bahagi ay tatawaging BIR Makati-B na kabibilangan naman ng Taguig City (Global), Pasay City, Parañaque City, Las Piñas City at Muntinlupa City District Offices.

Nakatakda ring hatiin sa dalawa ang BIR-QC kung saan kabahagi ng BIR-QC-A ang Cubao, North, South at Novaliches District Offices, samantalang ang QC-B ay bubuuin ng Pasig City, San Juan City, Marikina City, Mandaluyong City at Cainta Rizal District Offices.

Si Lawyer Glen Ge­raldino ang kasalukuyang Regional Director ng BIR-Makati City, samantalang si Attorney Jun Aguila ang kasalukuyang Regional Director sa Quezon City. Kung matutuloy ang pag­hati sa QC at BIR Makati, sina incumbent QC BIR Assistant Director Albin Galanza at Makati BIR Assistant Director Dante Aninag ang nakapormang umupong mga bagong regional director, base sa seniority item.

Kung magkagayon, magiging 21 na ang bilang ng regional directors (nationwide) mula sa kasalukuyang 19.

Ang planong paghahati sa BIR Makati at QC,  ayon kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez,  ay upang mas makapag-concentrate ang kawanihan sa tax collections, lalo pa’t mas malaki ang pinakokolekta ng DOF sa BIR at maging sa Bureau of Customs (BOC) para sa fiscal years 2019, 2020, 2021 hanggang sa huling taon ni Presidente Duterte sa 2022.

Sa BOC, ipinagmalaki ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na buwan pa lamang ng Enero ng taong ito ay umarangkada na ang pagkolekta nila ng  import duties and other taxes at inaasahang makakamit ang tax collection goal na iniatang sa kanila ni Secretary Dominguez.

Pahayag ni Commissioner Guerrero, umaabot sa P48.15 bilyon ang kanilang nakolekta sa unang bugso ng buwan ngayong 2019, mas mataas ng 17.9 percent sa P40.83 bilyon noong nakaraang taon.

Sa BIR, nakasalalay sa kamay ng mga regional director at revenue district officer ang magandang collection performance na ina­asahan ni Dominguez, na naniniwalang sila ang ‘susi’ para makamit ng kawanihan ang tax collection goal ngayong fiscal year 2019 hanggang taong 2022.

Sinabi ng source na posibleng maantala ang paghahati sa BIR QC at Makati dahil sa kawalan ng sapat na pondong gugugulin para sa implementasyon nito.

Bukod sa paghahati ng regions, malaking gastusin din ang kinakaharap ng  BIR para sa pagtatayo ng dalawa pang bagong gusali ng revenue regions, sa paglikha ng mga bagong opisina ng revenue assessment office, collections office, revenue district offices, revenue legal offices, regional investigation divisions at ang paghahati ng mga BIR personnel.

Para ngayong taon, ang BIR ay umaasa na makakokolekta ng P2.309 trillion, mas mataas ng 13.24 percent kung ihaham­bing sa nakalipas na taon,  habang sa BOC naman ay P662.2 bilyon o nag-increase ng 13.19 percent kumpara noong 2018.

Sa taong 2020, ang BIR ay pinakokolekta ng P2.617 trillion, mas mataas ng 13.13 percent sa 2019, samantalang sa BOC ay P748.2 bilyon o nag-increase ng 12.99 percent kumpara sa kasalukuyang tax goal.

Para sa taong 2021, ang BIR ay pinakokolekta ng P2.942 trillion, mas mataas ng 12.42 percent, habang ang BOC ay P826.2 bilyon o mas mataas ng 10.43 percent. Sa huling taon ni Presidente Duterte sa 2022, ang BIR ay inatasang kumolekta ng P3.312 trillion, samantalang ang BOC ay P914.8 billion.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.