(Paghihigpit ipatutupad ng Comelec sa araw ng eleksiyon) WATCHERS NG MGA KANDIDATO BAWAL MAKIPAG-USAP SA VOTERS

comelec

IPATUTUPAD ng Commission on Elections (Comelec) ang ilang mga paghihigpit para masiguro na mababawasan ang mga problema sa pagdaraos ng eleksyon.

Ayon sa Comelec, kabilang ang pagbabawal sa lahat ng watchers ng mga kandidato na pumasok sa mismong polling precinct o sa lugar na laan lamang sa mga botante.

Hindi rin sila pahihintulutan na makihalubilo o makipag-usap sa mga botante kahit kakilala o kaanak.

Bawal din ang pagpasok ng mga armadong tao sa mga paaralan at iba pang lugar na ginagamit sa botohan.

Kabilang dito ang mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel gayundin ang mga tanod at opisyal ng barangay at sangguniang kabataan.

Maaari lamang manatili ang mga pulis o iba pang nakatalagang awtoridad sa loob ng 30-metro mula sa polling place kung hihilingin ng Electoral Board para pangalagaan ang mga dokumentong may kinalaman sa eleksyon.

Nauna nang hinikayat ni Commissioner George Garcia ang mga botante na huwag nang magpasok ng cellphone sa mga presinto at sa halip ay isulat na lamang sa papel ang kanilang kodigo para sa kanilang mga napupusuang kandidato. Jeff Gallos