PAGHIHIGPIT SA WANG-WANG, BLINKER IPINAG-UTOS NG PNP

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang PNP Highway Patrol Group na mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa hindi awtorisadong paggamit ng wang-wang at blinker.

Ayon kay PNP Director for Operations Police Maj. General Valeriano de Leon, ang kautusan ni Danao ay alinsunod sa batas na nagbabawal sa mga pribadong behikulo na gumagamit ng mga wang-wang at iba pang emergency device.

Paliwanag ni de Leon, base sa Presidential Decree No. 96 na nilagdaan ng dating yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang mga naturang emergency Device ay eksklusibo lang pwedeng gamitin ng mga official vehicles ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Land Transportation Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga ambulansiya.

Pinayuhan naman ni de Leon ang mga pribadong motoristang gumagamit ng wang-wang na ngayon palang ay tanggalin na ang mga ito bago mahuli at makasuhan.

Dagdag ni de Leon, maging ang mga may-ari ng mga shop na nagbebenta at nagkakabit ng mga wang-wang ay kasama sa mga pananagutin. EUNICE CELARIO