PAGHIKAYAT SA MGA CUSTOMER NA MAG-APLAY SA LIFELINE RATE PROGRAM PINAIGTING NG MERALCO

NAGSASAGAWA ang Manila Electric Company (Meralco) ng on-site application upang mas maging madali at kumbinyente para sa mga aplikante ng lifeline rate program ang proseso ng pag-aplay para sa naturang discount.

Isa ang Barangay San Roque sa Quezon City sa mga binisita ng Meralco kaugnay ng inisyatiba upang mahikayat na mag-aplay ang mga kwalipikadong residente.

Pinaigting ng Meralco ang pagsasagawa ng mga barangay caravan sa iba’t ibang lungsod at probinsya na nasasakupan ng prangkisa ng kompanya upang mahikayat ang mga benepisyaryo ng

Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang kwalipikadong residente na mag-aplay sa lifeline rate program ng pamahalaan.

Simula Setyembre 2023, tanging mga customer na lamang na may aprubadong aplikasyon ang makakakuha ng diskwento sa kanilang Meralco bill kaugnay ng bagong tuntunin at regulasyon ng Republic Act No. 11552 o ang batas na nagsasaayos ng implementasyon ng programa.

Bukod sa pagsasagawa ng mga information campaign na sinimulan ng kompanya noong Abril, tumatanggap at nagpoproseso na rin ang Meralco ng mga aplikasyon sa mismong mga barangay na kanilang binibisita upang maging mabilis at madali ang proseso para sa mga kwalipikadong residente.

Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, patuloy ang pagsusumikap ng kompanya sa paggawa ng paraan upang mas mahikayat ang mga kwalipikadong residente na mag-aplay sa naturang programa.

“Bagama’t nakipag-uganayan na kami sa lahat ng lokal na social welfare development offices o SWDO sa mga lugar na nasasakupan ng aming serbisyo, patuloy pa rin kaming makikipag-ugnayan sa mga customer. Umaasa kami na magiging malaking tulong ang ginagawa naming pagproseso ng mga aplikasyon sa mga barangay para lalong mapataas ang bilang ng mga customer na makakakuha ng diskwento sa kanilang mga bill,” pahayag ni Zaldarriaga.

Ngayong Agosto, nakatakdang magsagawa ng on-site application at caravan sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Manila, Parañaque, Quezon, at Valenzuela. Ganito rin ang gagawin ng Meralco sa San Rafael at Meycauayan sa Bulacan, San Pablo sa Laguna, General Mariano Alvarez at General Trias sa Cavite, Taytay at Rodriguez sa Rizal, Mauban at Sariaya sa Quezon.

Sa ilalim ng lifeline rate program, ang mga kwalipikadong customer na kokonsumo ng hindi lalagpas sa 100 kilowatt hours (kWh) kada buwan ay makakakuha ng 20% hanggang 100% na diskwento sa kanilang Meralco bill depende sa kanilang konsumo.

Ang mga kwalipikadong customer ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon kalakip ang kumpletong dokumento gaya ng 4Ps ID, pinakabagong Meralco bill, at application form sa pinakamalapit na Meralco Business Center. Para sa mga hindi naman miyembro ng programang 4Ps, kailangan lamang magsumite ng sertipikasyon mula sa SWDO at ID na inisyu ng gobyerno.

Mayroon ding hiwalay na linya sa mga tanggapan ng Meralco para sa mga aplikante.

“Nananawagan kami sa mga Meralco customer na kwalipikadong maging bahagi ng programa na samantalahin ang mga caravan sa kanilang mga barangay at mag-sumite na ng kanilang aplikasyon upang patuloy nilang mapakinabangan ang diskwento sa kanilang mga bill. Makakaasa ang aming mga customer na agaran naming aasikasuhin ang kanilang mga aplikasyon. Magpapatuloy din kami sa pagsasagawa ng information at education campaigns upang mas lalong dumami ang miyembro ng programa,” pagtatapos ni Zaldarriaga.
ELMA MORALES