ANG mga nagdaang linggo ay naging saksi sa mga relasyong nasira dahil sa pulitika. Ang magkakaibigan, magkakamag-anak, at maging yaong hindi magkakakilala ay nagpalitan ng insulto, lalo na sa social media, upang laitin at hiyain ang mga tao at grupo mula sa kabilang kampo. Ang ilang pinsala ay nangyari na at ‘di na mababawi pa, at para sa ilan, ayos lamang ito. Kung minsan, ang panawagan tungo sa pagkakaisa ay nauuwi lamang sa pagkakawatak-watak at hidwaan.
Sa isang banda, ipinapakita nito ang ating malalim na pagpapahalaga sa mga bagay na ating pinaniniwalaan, pagmamahal sa bayan, pagtindig para sa sariling prinsipyo. Malinaw pa sa sikat ng araw na ang mga nagdaang linggo ay nagpakita ng marubdob na damdamin ng Pinoy at ang kahandaan nating ipaglaban ang ating mga paniniwala. Sa kabilang banda, ito rin ay nagpakita ng katigasan ng ating damdamin at ng maling pagnanais na laging maging tama.
Anuman ang naging karanasan mo nitong nagdaang mga linggo, ang totoo ay kailangan nating maghilom ngayon para sa kapakanan ng ating bayan at ng ating mga anak. Nahaharap tayo sa mga pagsubok na dala ng pandemya. Gabundok ang utang ng ating bansa. Seryos ang panganib na dala ng global warming, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. At ayon sa maraming eksperto, may krisis sa iba’t-ibang sektor ng lipunan—kalusugan, edukasyon, kalikasan, ekonomiya, at iba pa.
Ang dami na nating nagamit na oras, lakas, at pera para sa eleksyon; panahon na para gugulin natin ang natitira upang bumangong muli.
(Itutuloy…)