PAGHIMAY SA OIL PRICE PINIGIL

DOE-1

IPINATIGIL ng korte ang pagpapatupad sa kautusan ng Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis na himayin ang presyuhan ng kanilang mga produkto.

Sa pahayag ng Philippine Institute of Petroleum, nagpalabas ang Makati Regional Trial Court (RTC) ng temporary restraining order (TRO) laban sa utos na unbundling ng DOE.

Ang naturang kautusan ay nakatakda sanang ipatupad sa Hulyo 4 at bukod sa TRO, uulitin ng DOE ang paglalathala ng fuel price unbundling circular dahil may hindi umano naisamang impormasyon sa naunang paglalathala.

Pinalagan ng oil companies ang utos na unbundling ng DOE dahil, anila, may mga impormasyon na hindi maaaring malaman ng mga magkakalabang kompanya.

Depensa naman ng DOE, para lamang sa kanila at hindi nila ibabahagi sa publiko ang isusumiteng datos ng mga kompanya, kasabay ng pagbibigay-diin na nais nilang matiyak na tama ang presyo ng petrolyo.

Comments are closed.