PANSAMANTALANG ipinatigil ng korte ang kontrobersiyal na circular ng Department of Energy (DOE) na nag-aatas sa lahat ng kompanya ng langis na isiwalat ang mga detalye sa kung paano nila ina-adjust ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa desisyon na may petsang Hulyo 3, nagpalabas ang Taguig City Regional Trial Court Branch 70 ng temporary restraining order (TRO) laban sa Department Circular No. DC2019-05-0008 ng DOE o ang “Revised Guidelines for the Monitoring of Prices on the Sale of Petroleum Products by the Downstream Oil Industry in the Philippines.”
Inaatasan ng DOE circular ang mga kompanya ng langis na magsumite ng detalyadong computation at kaukulang paliwanag at supporting documents sa mga sanhi o dahilan ng price adjustment.
Ang mga kompanya ng langis ay nagtataas o nagbababa ng presyo ng langis linggo-linggo, kadalasan ay tuwing Martes, base sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Ang TRO ay nag-ugat sa reklamong inihain ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. noong Hunyo 24 kung saan naniniwala ang kompanya na ang circular ay magiging daan para sa pagbabalik ng regulasyon sa industriya.
Ang Shell ay bahagi ng Philippine Institute of Petroleum Inc. (PIP) na naghain ng “Petition for Declaratory Relief with Application for a Temporary Restraining Order and/or Preliminary Injunction”.
Bukod sa Shell, kabilang din sa PIP ang Chevron Philippines Inc., Isla LPG Corp., Petron Corp., PTT Philippines Corp., at Total Philippines Corp.
Matapos ang masusing pag-aaral sa mga alegasyon at argumento ng plaintiff sa reklamo nito at sa mga karagdagang argumento sa summary hearings noong Hunyo 25 at Hulyo 2, gayundin sa counter-arguments na iprinisinta para sa defendant, sinabi ng korte na nakakita ito ng probable cause para mag-isyu ng TRO laban sa pagpapatupad ng DC2019-05-0008 at panatilihin ang status quo.
Ang TRO ay magiging epektibo 20 araw matapos na ito ay matangap ng mga kompanya ng langis, pati na rin ng DOE. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.