PAGHOLDAP AT PANGGAGAHASA SA 4 GURO PINARERESOLBA NI VP SARA

NAGPAHAYAG  si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio sa Philippine National Police na madaliin ang pagresolba sa kaso ng apat na guro sa Camarines Sur na ginahasa at hinoldap.

Sa naganap na major command conference kamakalawa sa AFP at PNP, inilapit na ni VP Inday Sara kay Police Deputy Director for Administrations Lt. Gen. Chiquito Malayo ang nasabing kaso.

Ayon sa Bise Presidente, hindi dapat binibigyan ng awa ang mga kriminal o sinumang kaaway ng estado.

Nais niya na mabigyan agad ng katarungan ang panggagahasa at panghoholdap sa apat na guro sa isang paaralan sa bayan ng Ocampo sa Camarines Sur noong nakalipas na buwan.

Gumon umano sa ilegal na droga ang mga suspek nang harangin ang mga papauwing mga guro, kinuha ang mga cellphone at cash ng mga ito.

Subalit hindi pa nakuntento ang mga suspek, dinala umano sa comfort room ng paaralan ang dalawang dalaga na teacher at doon isinagawa ang panghahalay.

Isang buwan na ang nakararaan ay wala pa ring lead ang PNP sa krimen kung kayat si VP Inday Sara ang nag-utos sa mga awtoridad na madaliin ang pagresolba sa kaso. Elma Morales