PAGHULI SA NOTORIOUS SMUGGLERS BIGYANG PRAYORIDAD

UMAASA  si Senador JV Ejercito na uunahin ng law enforcers ang mga personalidad na nauugnay sa agricultural smuggling sa oras na malagdaan na bilang batas ang panukalang nagrekomenda nito na ituring na economic sabotage.

“Well, we’ve been hearing these personalities for years already pero parang nandiyan pa rin sila ‘di ba? ‘Yung Leah Cruz, kung sino-sino… hindi na nga kailangan ng intel funds eh kasi kilala naman nila kung sino ‘yung traders, kilala naman ‘yung importers, kilala din ‘yung mga naghohoard… palagay ko kilala rin nila kasi sila sila magkasabwat,” ayon kay Ejercito.

“I’m hoping with the composition of the (Anti-Agricultural Economic Sabotage) Council, kasama DOJ diyan, DTI, DILG, sana naman iprioritize yung mga personalities na ‘to, ‘yung mga notorious na, known smugglers, hoarders, cartel, and profiteers,” dagdag pa niya.

Kung maaalala, ang pangalan ni Leah Cruz, na nagmamay-ari ng kompanyang PhilVieva, ay pinalutang sa isang congressional inquiry dahil siya ay na-link sa onion cartel.

Itinanggi naman ni Cruz ang pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad.

Inirekomenda ng mga senador na ang mga agricultural smuggling at hoarding ay ituring na economic sabotage kapag ang halaga ng bawat produkto ng agrikultura at pangisdaan ay hindi bababa sa P1 milyon.
LIZA SORIANO