CAGAYAN – UPANG mapigilan ang pagkaubos ng isdang ludong o president’s fish na itinuturing nang endangered, pinatitigil muna ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region-2 ang panghuhuli ng isdang ludong.
Pahayag Dr. Milagros Morales, Regional Director ng BFAR-Region 2, ito ay para matulungan ang kanilang ahensiya sa hangarin na maparami ang bilang ng nasabing isda.
Ang president’s fish ay isa sa pinakamahal na isda sa Filipinas, ito ay nagkakahalaga ng P6,000 hanggang P7,000 bawat isang kilo, dahil sa ito ay napakasarap. Ayon pa rin kay Morales, naiintindihan aniya ng kanilang ahensiya na kailangan din ng mga mangingisda ang pangkabuhayan lalo na at napakataas ng presyo ng nasabing isda ngunit mahigpit din ang pangangailangan ng ahensiya na maparami ang bilang ng isda.
Nagsagawa na rin ng pag-aaral ang ahensiya ng BFAR para mapataas ang bilang ng ludong, subalit kailangan pa rin ang tulong ng mga mangingisda dahil sila ang nakapupunta sa katubigan ng Cagayan river.
Plano ng BFAR-2 na magsagawa ng assessment kung may epekto ang ipinatutupad na close fishing season sa ludong sa buong rehiyon.
Sinimulan nang ipatupad ang Administrative Order 247 noong 2013 na nagbabawal sa paghuli ng ludong mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15 bawat taon kung saan ay hindi pa sila nakapagsasagawa ng assessment kung epektibo ba ito para maparami ang nasabing uri ng isda, at sa nabanggit na panahon dahil bumababa sa dagat ang mga ludong para mangitlog. IRENE GONZALES
Comments are closed.