TAGUIG CITY – NILINAW ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Chief Supt. Guillermo Eleazar na walang quota ang bawat police station sa pagdakip sa mga ‘tambay sa kanto’.
Sinabi ni Eleazar, ang pagdakip sa mga tambay ay dahil may mga nilabag itong ordinansa kung saang sakop na lunsod sila nadakip.
Gaya aniya ng palisaw-lisaw sa mga kanto ng alanganing oras at sa madidilim at wala namang ginagawa o kaya naman ay walang saplot pang-itaas, naninigarilyo sa public place o nagiging sanhi ng gulo.
Hawak na rin aniya ng bawat pulis ang guidelines para sa pagdakip at malalaman agad kung tambay sa kanto na may violation ang dinakip.
“Walang mayaman o mahirap, kapag may nilabag na ordinansa, the police can arrest you,” ayon pa kay Eleazar.
Noong Biyernes ng gabi ay mayroong 11 tambay ang dinakip sa Quezon City kung saan apat na menor, anim na nakahubad at isang naninigarilyo sa pampublikong lugar.
Pinawi naman ng PNP ang pangamba ng mga tambay na walang trabaho o nawalan ng hanapbuhay at sinabing hindi ang mga ito ang puntirya kundi ang mga violator na tambay sa kanto.
Isang police official ang nagsabing magkaiba naman ang tambay na jobless at tambay sa kanto at inulit na tambay na violators lamang ang target ng nasabing operasyon. EUNICE C.
Comments are closed.