ILANG araw na lamang at magpapalit na ang taon ngunit kasama pa rin natin sa pagsalubong sa 2021 ang pandemyang COVID-19. Bagama’t magdadaan pa sa clinical trial at iba pang proseso ang mga bakuna sa COVID-19, tila nalalapit na rin ang pagdating ng mga ito sa bansa. Ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay umabot na sa halos 450,000 at halos 30,000 dito ang nananatiling aktibo.
Kamailan ay naglabas na ng kautusan si Pangulong Duterte na nagbibigay ng kapangyarihang kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na mag-isyu ng Emergency Use Authorization (EUA) sa mga parmasyutikang gumawa ng bakuna. Ang nasabing kautusan ay magiging daan upang maaprubahan ang paggamit ng mga bakuna sa loob lamang ng isang buwan sa halip na magdaan pa ito sa anim na buwang pagsusuri.
Bunsod nito, inaasahang bago mag-Abril ay maaari nang makapasok ang bakuna sa bansa. Nilinaw naman ng Department of Health (DOH) na ang pagpapabilis ng proseso na ito ay hindi makaaapekto sa kalidad ng pag-aaral sa naturang bakuna sa pagiging epektibo nito laban sa COVID-19. Siniguro rin ni Domingo sa publiko na hindi malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga ito dahil sa mas pinabilis na proseso. Patuloy ang pagtutulungan ng FDA at DOH sa pagpapaigting ng pagbabantay sa nasabing proseso upang madaling matukoy ang mga posibleng panganib na maaaring maging epekto nito.
Layunin ng pamahalaan na makapagbigay ng bakuna na mula sa iba’t ibang parmasyutikal na kompanya sa hindi bababa sa 70 milyong Filipino. Ang programa sa bakuna ay ipatutupad sa loob ng tatlo hanggang limang taon kung saan 25 hanggang 30 milyong Filipino ang bibigyan ng bakuna kada taon.
Bagama’t nabigyan ng pahintulot ang FDA na mag-isyu ng EUA para sa bakuna sa COVID-19, may mga ispesipikasyong kinakailangan bago ito ipagkaloob. Una, dapat ay may sapat na patunay na mabisa ang nasabing bakuna; ikalawa, ang benepisyo ng nasabing bakuna ay mas matimbang kaysa sa potensiyal na panganib na maaaring ibigay nito sa pasyente, kung mayroon man; at ikatlo, wala nang ibang gamot na maaaring gamitin upang mabigyang lunas ang COVID-19.
Ang kautusan ni Pangulong Duterte at ang pagtutok ng DOH at FDA sa usapin ng bakuna ay nangangahulugan na tunay na nagiging agresibo ang ating pamahalaan sa pagsiguro na makakakuha ng bakuna ang mga Pilipino.
Ayon sa Department of Science & Technology (DOST), naisumite na sa FDA ng Filipinas ang aplikasyon ng AztraZeneca para sa pagsasagawa ng clinical trial ng bakuna para sa COVID-19 sa bansa. Ang balitang ito ay nagmula mismo kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development sa isang panayam sa kanya sa CNN Philippines News Night.
Noong ika-27 ng Nobyembre ay nagkaroon ng pirmahan sa pagitan ng pamahalaan, ating pribadong sektor, at ng AztraZeneca para sa 2.6 milyong dosis ng bakuna. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ang presyo ng bakuna na mula sa nasabing kompanya ay humigit kumulang Php500 ang halaga kada dosis. Ang paunang bayad dito ay Php250 o kalahati ng nasabing presyo. Sa kasalukuyan, ito raw ang pinakamurang bakuna na nabili ng Filipinas.
Ayon sa mga ulat ng COVID-19 task force ng bansa, tinatayang nasa 17 na parmasyutikal na kompanya mula sa iba’t ibang bansa ang pinag-aaralan ng bansa. Siyam sa 17 kompanya ang kasalukuyang nasa ikatlong bahagi na ng kanilang pag-aaral. Nangunguna rito ang Pfizer at Moderna na kapwa nagtala ng 95% na antas ng bisa ng kanilang produkto.
Batid naman ng pamahalaan na hindi ito ang panahon upang magpaimpluwensiya sa mga isyu, tsismis, at kung ano-anong kuwento ukol sa mga bakuna para sa COVID-19. Sa kabila ng kontrobersiya na kinasangkutan ng produktong bakuna mula sa kompanyang Sinovac ng China, idineklara na ng Malacanang na sa nasabing kompanya manggagaling ang unang pangkat ng mga bakunang gagamitin sa bansa.
Siniguro ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko na binubusisi nitong mabuti ang mga bakuna para sa COVID-19 na papasok sa bansa sa gitna ng kontrobersiya na hindi raw dumaan sa tamang proseso ang Sinovac nang magsumite ito ng bakuna para sa mga sakit na SARS at Swine Flu.
Ayon pa kay Roque, ang mga bakuna na mabibigyan ng pahintulot na magamit sa bansa ay ang mga bakunang nasuri nang mabuti at nakapasa sa screening panel ng ating bansa.
Ang dapat na pangunahing prayoridad ng ating pamahalaan ay ang pagsiguro na makakakuha ito ng sapat na dami ng bakuna para mga Filipino. Hindi ito ang tamang pagkakataon upang tayo ay magpaapekto sa mga kontrobersiyang ibinabato ng mga parmasyutikang kompanya sa isa’t isa. Basta’t nagdaan ito sa tamang proseso at nakapasa sa screening panel ng Filipinas, ito ay maaaring gamitin sa bansa.
Habang naghihintay sa pagdating ng mga bakuna sa susunod na taon, kailangang mas paigtingin pa ang testing para sa COVID-19 sa ating bansa upang mas mabilis maaksyunan ang mga dumaragdag na positibong kaso kada araw. Kung mas mabilis matutukoy ang mga nagpositibo sa nasabing virus, mas mabilis din maisasagawa ang contact tracing upang maiwasan ang pagkalat nito.
Bagama’t marami pang maaaring gawin upang mas pag-ibayuhin ang sistema ng ating bansa sa pagharap sa nasabing virus, ang patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19 ay hindi maaaring isisi sa pamahalaan. Tayo, bilang mamamayang nabibigyan ng pahintulot na lumabas ng ating kabahayan sa kabila ng pandemya ay may responsibilidad din ukol sa pag-iwas sa virus.
Kung pagsasama-samahin ang pagiging agresibo ng pamahalaan patungkol sa pagkuha ng bakuna para sa Pilipinas, ang buong suporta ng pribadong sektor, at ang disiplina ng mamamayang Pilipino, tiyak na mapagtatagumpayan natin ang labang ito kontra COVID-19.
Comments are closed.