(Ni CT SARIGUMBA)
MAY MGA panahong dinadalaw tayo ng katamaran. Iyong tipong sa umaga pa lang ay kinaiinisan na natin ang bumangon sa kama para magtrabaho. Iyong tipong kakamulat lang ng ating mata, tila pagod na pagod na ang ating pakiramdam.
Kunsabagay, hindi nga naman araw-araw na paggising natin ay sinisipag tayo’t gustong-gusto nating magtrabaho. Hindi talaga maiiwasan ang mga pagkakataong kung puwede lang na humilata at matulog nang matulog sa buong araw, gagawin natin.
Pero hindi naman puwedeng pagbigyan natin ang katamarang nadarama. Kailangang labanan natin ang pakiramdam na ito nang magawa ang mga gampanin o responsibilidad sa trabaho man iyan, sarili o pamilya.
Oo, mahirap nga namang maging energetic o masigla sa buong araw lalo na kung araw-araw tayong nagtatrabaho. Gayunpaman, sa mga taong tila tamad na tamad at walang sigla o lakas sa pagmulat pa lang ng mata, narito ang ilang tips na makatutulong sa inyo upang maibsan ang katamaran.
AGAHAN ANG PAGGISING
Marami sa atin ang tinatamad na gumising ng maaga lalo na kapag puyat. Babawi ng lakas at tulog, iyan kasi ang laging nasa isip natin kapag pagod tayo’t puyat.
Gayunpaman, hindi makatutulong ang sobrang pagtulog upang magkaroon ka ng enerhiya sa buong araw. Mas tatamarin ka lang na gumalaw-galaw kapag tanghali kang gumising.
Kaya’t kung ikaw iyong tipo ng taong tila pagod na pagod sa umaga pa lang kahit na wala pang ginagawa, mainam kung kasasanayan mo ang paggising ng maaga.
Bukod sa nakapagpapaliksi ang paggising ng maaga, mas bibilis din ang andar ng utak mo.
MAG-EHERSISYO NANG MAGISING ANG KALAMNAN
Mainam din siyempre ang pag-eehersisyo nang magising ang tutulog-tulog nating kalamnan. Okey, gusmising ka ng maaga at ang susunod mong kailangang gawin ay ang mag-ehersisyo.
Malaki ang naitutulong ng pag-eehersisyo upang magkaroon tayo ng energy sa buong araw.
Hindi naman kailangang mabibigat ang gagawing ehersisyo. Magandang simula na ang paglalakad ng mabilis. O kaya naman, jogging depende sa gusto mong gawin basta’t ang importante rito makapag-ehersisyo ka.
Bukod sa magiging energetic ka sa buong araw, magiging healthy ka pa kung kasasanayan ang pag-eehersisyo.
IWASAN ANG STRESS O MATUTONG KONTROLIN ITO
Kung stress at stress lang din ang pag-uusapan, ito na yata ang isa sa hindi tayo nilulubayan. Parang lintang kapit nang kapit sa atin.
Masama ang stress. Maraming sakit ang naidudulot nito. Karamihan pa naman sa nagkakasakit dahil sa stress ay ang mga kabataan.
Lumabas sa ilang pag-aaral na mas mataas ang porsiyento ng millennials na nakadarama ng stress kumpara sa mga may edad. Gayunpaman, walang pinipiling tao o edad ang stress. Kahit na sino ay maaaring dikitan nito.
Ilan pa naman sa sakit na konektado sa stress ay ang depression, anxiety, at personality disorders.
Para maibsan ang stress, makatutulong ang pagkakaroon ng makakausap. Mainam din ang pag-eehersisyo nang makontrol ang nadaramang stress. O kaya naman, ang pagme-meditate.
Nagiging dahilan din ang stress para mawalan ka ng energy sa buong araw. Kaya iwasan o kontrolin ito dahil baka ang stress na iyan ang nakapagpapawala ng enerhiya mo o kaya lagi kang tinatamad kahit kagigising pa lang.
HUWAG MAGPAPAGUTOM
Kung gutom ka, talagang wala kang energy. Kaya’t mainam gawin para magkaroon ng enerhiya o lakas sa buong araw ay ang pagkain ng tama. Ibig sabihin tamang pagkain, kumain ng masusutansiya at hindi kung ano-ano lang.
Maging maingat tayo sa pagkain nang lumakas ang ating katawan. Nakatutulong din ang pagkain ng masusustansiya para makayanan o malampasan ang stress na pinagdaraaanan. Kumbaga, hindi ka lang magkaka-energy sa buong araw, makakayanan mo pa ang stress na nararanasan mo.
MAKINIG NG MUSIKA
Nakatutulong din ang pakikinig ng musika upang magkaroon ng energy sa buong araw. Bukod sa nakare-relieve ang stress ng musika, natutulungan din tayo nitong maging energetic.
Kaya kung pagod na pagod ka lagi, subukan ang pakikinig ng magagandang musika. Siguradong gaganda ang pakiramdam mo’t mabubuhayan ka.
MAKIPAG-USAP SA KATRABAHO
Marami sa atin na dahil tambak ang trabaho, nagmumukmok sa lamesa o sa harap ng kompyuter at hindi man lang tumatayo.
Nakauubos din ng lakas ang pag-upo lang ng maghapon sa table. At saka, kailangan ng ating katawan ang maya’t mayang paggalaw nang hindi mangalay ang kamay, balikat at likod.
Isang magandang subukan ay ang pagtayo-tayo sa pagitan ng pagtatrabaho. Iyong kaunting pag-stretch o paglalakad-lakad ay malaki na ang maitutulong upang dumaloy ng maayos ang oxygen sa katawan.
Mainam ding gawin ang pakikipag-usap sa mga katrabaho nang hindi ma-drain ang utak at nang maigalaw-galaw rin ang katawan.
GAWIN ANG MGA NAKAPAGPAPASAYA
Para rin hindi maubusan ng energy sa maghapon, mainam din kung gagawin ang mga bagay na nakapagdudulot ng ligaya sa iyo. Hindi naman kailangang puro trabaho ang gagawin natin. Siyempre, mahalagang nababalanse natin ang mga bagay-bagay.
At isa ring mainam na paraan nang ma-relax ay ang paglabas kasama ang mga kaibigan. Kung gusto mo namang dumeretso ng uwi pagkatapos ng trabaho, ang pagsasalo-salo naman habang nagkukuwentuhan kasama ang pamilya ay nakatutuwang bagay at nakawawala ng stress.
Habang nakikipagkuwentuhan ka rin sa pamilya mo, hindi mo namamalayang nawawala ang pagod mo’t nagkakaroon ka ulit ng energy.
UMINOM NG TUBIG NANG MAGING HYDRATED ANG KATAWAN
Napakaimportante rin talaga ng pag-inom ng maraming tubig upang maging malakas ang katawan sa buong araw.
Maraming benepisyo ang pag-inom ng tubig, alam naman natin iyan. Kaya’t huwag na nating katamaran ang pag-inom ng tubig. Nakatutulong din ang tubig para maging malakas ka sa buong araw.
Kumbaga, kung dehydrated ang katawan o kulang ito sa tubig, makadarama ka talaga ng fatigue o pagod.
Maraming tips na makatutulong upang maging energetic tayo sa buong araw. Ilan lamang ang tips na ibinahagi naming sa inyo. Puwede ka rin namang mag-isip ng sarili mong paraan at gawin ang mga ito.
Comments are closed.