PAGIGING PRIME MINISTER NI SGMA, BLACK PROPS LANG

SPEAKER ARROYO

TAHASANG itinuring ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na isa lang uri ng paninira sa kanya o “black propaganda” ang pagpapakalat ng balita at senaryo  na  puntirya nitong maging prime minister kapag naging pedera­lismo na ang sistema ng pamahalaan.

Sa ambush interview  kay Arroyo,  binigyan-diin niya na walang posisyon na prime minister sa isinusulong na pagbabago sa uri ng gobyerno ng Filipinas, base na rin sa Draft Federal Constitution na nabuo at isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ng 22-member Constitutional Commission (Con-Com).

Ayon sa pinakaunang babaeng speaker sa kasaysayan ng lehislatura ng Filipinas, malinaw naman sa binalangkas na draft Constitution ng Con-Com, na pinamumunuan ni dating  Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno, na presidential federal ang isinusulong nitong porma ng pamahalaan sa pagbabago ng Saligang Batas.

Magugunita na Hunyo 9 sa isang simpleng seremonya sa Malakanyang, ay personal na isinumite ni Puno kay Presidente Duterte ang 82-pages draft constitution kung saan dalawang araw makalipas nito ay binigyan din ng kopya ang lower house kasunod ang Senado.

Sinabi naman ni Arroyo na hindi pa niyang aktuwal na nakikita o nababasa ang nilalaman ng draft na ito kung kaya hindi rin niya batid kung mayroong probisyon dito na pagtatalaga ng prime minister.

Samantala, binigyan-diin din niya na hindi siya pabor sa “no election” o pagpapaliban ng nakatakdang 2019 senatorial at local elections.

“No, definitely I am not supporting term extension.” Ang mariing sagot ng speaker sa isa pang tanong kung sumasang-ayon siya na kanselahin ang halalan sa susunod na taon. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.