MARAMING pagkakataong tinatamad tayong magtrabaho. Kapag stress tayo o may problema sa bahay o kaya naman sa katrabaho o pinagtatrabahuang kompanya. Minsan din, apektado ang ating mood o pakiramdam kapag maulan o kaya naman, kapag sobrang init ang panahon. Kinatatamaran din nating umalis ng bahay at magtungo sa opisina kapag bumabagyo. Ngunit tunay nga bang nakaapekto o may epekto ang pabago-bagong lagay ng panahon sa pagiging produktibo ng isang empleyado?
Sa bansa o Filipinas, kung hindi maulan tiyak na sobrang init ng paligid. Kapag maulan o kaya naman mayroong bagyo, ayaw na ayaw ng marami sa ating lumabas ng bahay. Hindi nga naman maiiwasan ang panganib na dala ng malakas na ulan o bagyo. Nag-aalangan din tayong bumiyahe dahil sa takot na ma-stranded sa daan dahil sa pagbaha o ang kawalan ng masasakyan sa ganitong mga panahon.
Pero sabihin man nating tag-ulan o kaya naman ay mayroong bagyo, maraming Filipinong manggagawa ang pinipilit ang sariling tumayo sa higaan at magtungo sa opisina upang magampanan ang kani-kanilang responsibilidad at obligasyon.
Oo, nakatatamad tumayo at madalas ay mas gusto nating humilata na lang sa kama. Iyong ipahinga ang pagod nating katawan at isipan. Ngunit hindi maaari ang gusto natin. Kasi kung hihilata tayo at walang gagawin o hindi tayo magtutungo sa opisina, wala rin tayong susuwelduhin. Suwerte ang mga empleyadong kapag bagyo o malakas ang ulan ay walang pasok. Pero kawawa ang mga manggagawang Pinoy na kung kailan malakas ang ulan, bumabagyo o may nangyayaring hindi maganda sa paligid o bansa, mas kailangang magtungo sa opisina dahil mas marami silang trabaho.
Kung tutuusin, iba-iba ang hirap o sakripisyong pinagdaraanan ng bawat empleyado. At oo, masasabi kong nakaaapekto sa pagiging produktibo ng isang manggagawa ang pabago-bagong lagay ng panahon.
Pansinin na lang natin kapag malakas ang ulan o may bagyo, hindi ba’t kinatatamaran natin ang magtungo sa opisina. At kung napilitan o napilit naman natin ang sariling pumasok at magtrabaho, wala naman sa trabaho ang isip natin kundi sa orasan. Panay ang sulyap natin sa orasan para ma-check kung oras na ba ng uwian. Kapag maulan, gustong-gusto na nga naman nating umuwi kaagad dahil baka bumaha, ma-stranded tayo at walang masakyan, o ang mawalan ng koryente.
Kapag ganitong panahon nga naman, karamihan sa mga empleyado ay “less motivated”. Basta’t magawa ang trabaho, okey na. Pero kung tatanungin mo kung maganda o maayos ba ang natapos nilang gawain, debatable o kuwestiyonable.
Pero hindi rin naman lahat ng empleyado ay tinatamad magtrabaho kapag tag-ulan. May iba rin namang kung kailan lumuluha ang langit ay saka mas ginaganahang magtrabaho.
Para matuwa o ganahang magtrabaho ang isang empleyado kapag malakas ang ulan o bumabagyo, isang magandang gawin ay ang pag-inom ng tea o kaya naman coffee nang mabuhayan ang loob.
Hindi lamang din kapag maulan o mayroong bagyo, tinatamad na magtrabaho o nababawasan ang pagiging produktibo ng isang empleyado, maging sa mga panahong sobrang init. Kapag sobrang init at tila nililitson ka habang patungo sa opisina o nasa biyahe, hindi maganda o mabuti sa katawan, lalong-lalo na sa isipan.
Nakaiirita ang mainit o sobrang init na panahon. Kasabay kasi nito ay ang pag-init din ng ating mga ulo. Sa biyahe pa lang, tiyak na mai-stress na tayo. Kumbaga, wala pa tayo sa opisina ay pagod na ang ating pakiramdam at isipan. At pagdating naman natin sa opisina, dahil hindi maganda ang biyahe natin, naiinis tayo’t ayaw gumana nang maayos ang utak. Kaya apektado rin nito ang ating pagiging produktibo.
Suwerte na lang iyong mga manggagawang Pinoy na may aircon o nasa opisina nagtatrabaho.
Oo, sabihin na nating may epekto sa isang empleyado ang pabago-bagong lagay ng panahon sa pagiging produktibo nito. Gayunpaman, kung nais mong maabot ang mga pangarap mo sa buhay, hindi ka dapat nagpapaapekto sa pagbabago ng panahon. Mag-focus ka sa nais mong maabot. Mag-isip ka ng magagandang bagay na makatutulong upang sumaya ka at magkaroon ng karagdagang dahilan upang gampanan hindi lamang ng maayos kundi ng higit pa ang mga nakaatang na gawain. CT SARIGUMBA
Comments are closed.