PAGIGING PROMODIZER BINUBUHAY SA PAMILYANG NASA PROBINSIYA

MISTULANG isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang isang amang promodizer na nakilala natin sa isang grocery na tinitiis ang lungkot at lumbay mula sa kanyang pamilya nasa probinsiya para kumita lamang ng pera.

Ito ang buhay ni Alfred Dagondon Madelo, 33-anyos, may asawa at apat na anak.

Kuwento ni Alfred, nagtitiis siya at nagtitiyagang maghanap-buhay sa Maynila habang ang kanyang pamilya ay nasa probinsiya na kung saan doon naninirahan at nag-aaral ang kanyang mga anak.

Noong una ay kapi­ling ni Alfred sa Maynila ang kanyang pamilya subalit dahil sa hirap ng buhay at dumating pa ang pandemya kung kaya pinauwi niya ito sa pro­binsiya.

Sa kasalukuyan, anim na taon nang nagtatrabaho si Alfred sa kanyang pinapasukang grocery store at dito ay marami na siyang naging karanasan.

Bukod sa pagsasalansan ng mga paninda ay nagba-bagger at nagde-deliver din si Alfred ng mga pinamili ng kanilang mga customer.

Ayon kay Alfred, kaligayahan na niyang mapagsilbihan ng maayos at tama ang bawat customer at nakakawala ng pagod kapag nasiyahan ang customer sa kanyang serbisyo at nagpapasalamat.

Hindi kasi lahat ng customer ay marunong sa salitang salamat sa mga taong nagbibigay sa kanila ng serbisyo.

Bukod sa kanyang minimum na suweldo kuwento ni Alfred na mayroon din silang Social Security Service (SSS), Pag-ibig at Philhealth.

At nadagdagan lamang ang kanyang kita sa tuwing mayroong magbibigay ng tip sa inihahatid niyang  customer dahil sa dami ng pinamili.

Paliwanag ni Alfred ay hindi obligado na magbigay ng kahit singko ang ihahatid niyang customer ngunit sadyang nagustuhan ng customer ang kanyang serbisyo kaya nagbigay ito ng tip.

Madalas nga siyang tumatanggi subalit ang talagang mapilit ay ang customer kaya wala naman siyang magawa kung hindi tanggapin na lamang ito.

Sa ngayon, nagpapadala si Alfred sa kanyang pamilya kada sahod para sa panggastos at ang kagandahan lamang ay hindi sila nangungupahan.

Subalit, si Alfred ay kinakailangang magtipid ng husto dahil sa binabayarang upa, tubig, kur­yente at load para tuloy-tuloy na komunikasyon sa kanyang pamilya.

Aminado si Alfred na malungkot ang mawalay sa kanyang pamilya lalo na’t maliit pa ang kanyang mga anak na ang kanyang panganay ay 10-taong gulang samantalang ang bunso ay 3-taong gulang pa lamang.

Kinakailangang magtiis at gumawa ng nararapat na desisyon para mabuhay ang kanyang pamilya.

Hindi madali para kay Alfred ang malayo sa asawa’t mga anak na kanyang pinaghuhugutan ng lakas at kasiyahan lalo na sa kanyang pag-uwi mula sa trabaho.

Ika nga ni Alfred nakakawala ng pagod, problema at lungkot na sa bawat pag-uwi niya ay sasalubungin siya ng kanyang mga anak na mayroong ngiti at pa­ngungumusta kung kasama lamang niya ang kanyang pamilya.

Aniya, mahirap na isa lang ang nagtatrabaho para itaguyod ang apat na anak subalit isang ama kailangan maging matatag ang haligi ng tahanan.

Pasalamat lamang ni Alfred ay hindi siya pinahintulutan ng Diyos na mawalan ng trabaho sa kabila ng pandemya. CRISPIN RIZAL