(Ni CT SARIGUMBA)
LAHAT ng estudyante ay nag-aasam na maging top sa kanilang klase o sa buong batch. Kaya’t pinag-iigihan nilang mabuti ang kanilang pag-aaral. Ginagawa ang lahat upang masabayan o maungusan ang kanilang mga kamag-aaral.
Pero hindi lahat ng estudyante ay nagagawang manguna o mag-top sa kanilang klase.
Hindi naman kasi simple ang manguna sa klase dahil napakarami nitong kailangang gawin o pagdaanan.
Hindi basta-basta ang pag-aaral. Kailangang paghandaan ito. At sa mga nag-aasam na mag-top sa kanilang klase, narito ang ilan sa mga maaaring gawin:
MAGING ORGANISADO
Sa kahit na anong pagkakataon, napakahalaga ng pagiging organisado. Hindi lamang din empleyado ang dapat na maging organisado, gayundin ang mga estudyante.
Ano ang mga kailangang gawin at kung kailan ito gagawin o dapat simulan. Nakatutulong ang pagiging organisado upang magawa mo ang lahat ng mga kailangan mong gawin gaya ng projects, assignments, reports at kung ano-ano pa.
Maraming estudyante na isinasabay ang kanilang pag-aaral sa pagtatrabaho. Kahit ganito ang kanilang estado kinakailangan pa rin nilang alamin kung ano ang mas matimbang sa kanila— pagtatrabaho ba o pag-aaral.
Kung priority mo ang mas mataas na grades at maging top sa klase, kailangan mong magsikap. Gawin ang lahat ng paraan upang ma-achieve ang iyong goal na manguna sa klase.
MAG-ARAL SA LAHAT NG PANAHON AT PAGKAKATAON
Importante ang pagiging handa sa klase—sa anumang panahon at pagkakataon.
Maraming estudyante na saka lang nag-aaral kapag may exam.
Para mapabilang sa top student, napakahalaga ng pagiging handa sa klase sa anumang panahon at oras. Ibig sabihin, makabubuting maglaan ng panahong mag-aral sa bawat araw.
Kumbaga, hindi lamang kapag may exam magbabasa at mag-aaral kundi sa bawat araw o mga panahong libre o may oras ka.
Hindi rin naman kailangang matagalan ang pag-aaral na gagawin. Kahit na hanggang 30 minuto ay swak na.
Mainam din kung uugaliin ang pagbabasa araw-araw nang madagdagan ang kaalaman at bumilis ang utak na mag-isip.
Isang ehersisyo rin kasi sa utak ang pagbabasa kaya’t puwede itong gawin ng kahit na sino, hindi lamang ng mga estudyante.
Hindi lamang din nakabase ang isang estudyante sa textbook, mainam din kung magre-research nang madagdagan ang kaalaman. Mabilis na ang teknolohiya ngayon. Mainam din itong gamitin para magkaroon ng karagdagang kaalaman.
HUWAG TATAMAD-TAMAD AT MAG-NOTES
May mga estudyanteng tamad na tamad ang magsulat ng mga itinuturong leksiyon. Iniisip kasi nilang matatandaaan naman ito kaya’t okey lang ang hindi mag-notes.
Oo, sa ngayon o habang itinuturo ang leksiyon, paniguradong matatandaan natin ngunit paano kung bukas o sa makalawa ay makalimutan natin. Paano mo mababalikan ang leksiyong itinuro sa inyo kung wala kang notes.
Oo, puwede namang makahiram sa kaklase o kaibigan. Pero paano kung kailangan nila o ginagamit?
Kaya’t napakahalaga sa kahit na sinong estudyante ang magsipag sa pagkopya o pagsusulat ng notes nang malimutan man, may magagamit ka para mabalikan ito.
MAGPAHINGA NG TAMA
Sa kahit na sino, napakahalaga ang pagpapahinga o pagtulog ng tama. May ilang estudyante na halos ayaw nang matulog dahil sa rami ng kailangang gawin.
Oo nga’t napakaraming obligasyon o mga kailangang tapusin ang bawat estudyante. Gayunpaman, napakahalaga pa ring nakapagpapahinga itong mabuti.
Mas makapag-iisip kasing mabuti ang isang tao kung nakapagpapahinga itong mabuti. Dahil nga sa pagtulog ng tama, nakapagpapahinga ang isipan at nari-refresh ito. Kaya’t mas makapag-iisip at hindi aantok-antok ang isipan.
PAG-ARALAN ANG MGA NAGAWANG PAGKAKAMALI
Panghuli sa tip na ibabahagi namin ay ang pag-aaral sa mga nagawang pagkakamali ng isang estudyante. Sabihin na nating nagkamali sila sa pagsagot sa exam. Hindi puwedeng magtapos iyon sa pagkakamali at hahayaan na lang.
Makabubuting aalamin kung saan nagkamali at kung paano ito itatama.
May kanya-kanyang paraan ang bawat estudyante upang manguna sa kanilang klase. May ilang subsob kung mag-aral. Ang ilan naman, petiks lang o relaks.
At dahil din lahat ng estudyante ay nag-aasam na manguna sa kanilang klase, magsipag at subukan ang ibinahagi namin.
Comments are closed.