ABRA – ITINURING ng Police Regional Office–Cordillera at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “isolated” ang dalawang insidente na nagresulta ng “minimal” na pagka-gambala sa kapayapaan at kaayusan ng dalawang voting precincts sa lalawigang ito sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, regional director ng Cordillera-PNP, agad namang nakontrol ang mga nasabing insidente na naitala sa Bangued, Abra kaya generally peaceful pa rin ang katatapos na halalan sa kabuuan ng rehiyon.
Aniya, noon mismong halalan ay nakapagtala ang mga pulis ng apat na insidente ng umano’y harassment, commotion, paglabag sa election liquor ban at vote buying.
Dinagdag pa niya na kabuuang 64 katao ang nahuli sa limang insidente ng paglabag sa liquor ban at naitala ang mga ito sa Baguio City at Mountain Province habang kabuuang 37 na kaso ng umano’y vote buying ang naireklamo sa mga awtoridad ngunit iisa lamang ang na-verify kung saan isang suspek ang nahuli.
Maaalalang mahigit 7,900 na mga pulis at mga sundalo ang na-deploy sa buong rehiyon ng Cordillera para sa katatapos na midterm elections.
Patuloy rin aniyang babantayan ng mga pulis at mga sundalo ang kanilang area of responsibility lalo na ang pagbigay seguridad sa mga electoral boards at ng personnel ng Comelec hanggang sa matapos lahat ng bilangan.
Ipinapaalala pa ni Dickson na magtatapos lamang ang gun ban sa Hunyo 12, 2019. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.