IIMBESTIGAHAN ng Senado ang pagkakaantala sa pagpapatupad ng national identification (ID) system sa bansa.
Ito ang nakapaloob sa Senate Resolution No.(SRN) 352 na inihain nina Senate President Tito Sotto at Senador Panfilo Lacson na kapwa nagpahayag ng pagkadismaya sa pagkabinbin ng national ID system na dapat sana ay pakikinabangan na ngayon sa distribusyon ng tulong sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) na dulot ng COVID-19.
Sa ilalim ng resolusyon, sinabi nina Sotto at Lacson na may naipalabas na P6 na bilyon para sa ID system simula nang maging batas noong Oktubre, 2018.
Nabatid na tig-P3 bilyon umano ang naipalabas na pondo simula noong 2918, 2019 at ngayong taon na nakapaloob sa 2020 national budget at nagkaroon lamang ng pilot testing noong Setyembre 2019.
Giit ni Sotto, dapat magpaliwanag ang Philippine Statistics Authority (PSA) na siyang naatasan ng batas na magpatupad nito at ang National Economic Development Authority (NEDA).
Magugunita na ipinasa ang batas para mapabilis ang transaksiyon sa gobyerno at pagresponde sa mga krimen.
Bukod dito, maaari rin umano itong mapakinabangan para mapabilis ang identification sa mga bibigyan ng ayuda kapag mayroong mga kalamidad na pinagdadaanan ang bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.