PAGKAANTALA NG PAG-APRUBA SA 2019 BUDGET IDINEPENSA

2019 BUDGET

IPINAGTANGGOL ng ilang senador ang Senado sa isyu ng hindi pa rin pag-apruba sa 2019 national budget kung kaya nanatili itong reenacted budget ngayong Enero.

Ayon kay Senate President Vicente Tito Sotto III, alam ng Palasyo na hindi dapat sisihin ang Senado kung bakit hindi agad naaprubahan ang 2019 national budget dahil masyadong atrasado nang isinumite ito ng Kamara.

Sa panig ni Senador Win Gatchalian, sinabi niya na nauunawaan niya ang sentimiyento ng Malakanyang sa pagkakaantala ng pagpasa ng budget.

Iginiit ni Gatchalian na ginagawa ng Senado ang makakaya nito para maipasa ang budget su­balit dapat na maunawaan na kaila­ngang dumaan sa matinding pagsusuri ang budget na isinumite sa kanila ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Aniya, hindi dapat makalusot ang mga kuwestiyonableng budget na isiningit ng mga kongresista dahil nararapat na maging maayos na maiparating ang serbisyo sa mamamayan, partikular na sa mga mahihirap na kababayan.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magkakaroon sila ng pagpupulong ngayong linggo ng mga miyembro ng Senado para pag-usapan ang pag-apruba sa budget matapos ang panawagan ng Malakanyang.

Nangako naman si Zubiri na sa loob ng da­lawang linggo ay tatapusin nila ang pagratipika sa 2019 national budget.  VICKY CERVALES

Comments are closed.