PAGKAIN ang pangunahing kailangan natin para mabuhay. Ito ay kahalintulad ng langis sa makina o gasolina sa sasakyan na nagbibigay buhay at lakas. Subalit sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing pagkain sa bansa, partikular na ang bigas, nakapangangambang maraming kababayan natin ang hindi na makasabay sa presyo ng mga bilihin at pinipili na lamang yaong mga pagkaing kaya ng bulsa subalit salat naman sa sustansiya.
Upang manatiling malusog ang ating pangangatawan, kailangan nito ang mga sumusunod na essential nutrients: (1) carbohydrates upang magbigay lakas; (2) protein o protina para magbuo ng human tissue; (3) fats upang magsilbing reserbang lakas; (4) mga bitamina at mineral upang mapanatili ang kalusugan; at (5) tubig upang panatilihing maayos ang mga proseso sa loob ng ating katawan. Subalit sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lumalaganap ding kasabay nito ang kakulangan sa tamang nutrisyon ng mga Filipino. Kung hindi mabibigyang kasagutan sa lalong madaling panahon, sapin-saping suliranin sa pagkain at sa kalusugan at malunitrisyon ang tiyak nating kahaharapin.
Maraming pamamaraan ang ating pamahalaan upang ang bawat hapag kainang Filipino ay may sapat at tamang pagkain na pagsasaluhan. Sa aking pagdalo bilang panauhing pandangal sa pagtatapos ng halos 5,000 magsasaka sa Isabela State University noong Agosto 24, binigyang-diin ko na makakamtan lamang natin ang tunay na food security kung tutulungan natin ang mga magsasaka. Walang bigas o gulay o prutas na magbibigay ng nutrisyon sa atin kung walang mga magsasakang magtatanim ng mga ito. Bukod sa mga ayudang pinansiyal, libreng punla, pagsasanay at kagamitan, nararapat din sigurong mabigyan ng kaukulang garantiya ang mga magsasaka na ang kanilang mga ani ay mabibili sa tamang halaga at ang kanilang kabuhayan ay lalago upang sumapat naman sa iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang iwan ng magsasaka ang kanyang pagtatanim upang humanap ng ibang uri ng pagkakakitaan na mas makasasapat sa kanilang pangangailangan.
Bukod dito, kung maipakikita at maipauunawa sa mga kabataan na may pag-asenso ang buhay sa pagsasaka, maaaring manumbalik ang kanilang interes sa agrikultura at muli nating mapasigla ang sektor na ito sa pamamagitan ng mga makabagong ideya at kaalaman ng mga kabataan.
Sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaang nasyunal na mapabuti ang buhay ng mga mamamayan saan mang sulok ng bansa, kaakibat ang mga programang magpapalakas sa sektor ng agrikultura na siyang nagpapakain sa sambayanang Filipino. Ang pagtulong sa ating mga magsasaka ay ang unang hakbang upang masiguro natin ang kasapatan ng pagkain at katatagan ng presyo nito sa merkado.
Comments are closed.