(Ni CT SARIGUMBA)
HINDI nga naman maiiwasang mapakain tayo ng masarap at marami kapag tayo ay nasa bakasyon. Hindi maiiwasan ang mahilig tayo sa pagkain dahil na rin sa kaliwa’t kanang putaheng ipinagmamalaki ng bawat bansa o lugar na ating darayuhin.
Ngunit sabihin man nating masarap ang kumain kapag nasa bakasyon, importante pa rin ang pagkain ng healthy at mura.
Dahil marami sa atin ang tiyak na hindi mapipigil ang mga sariling kumain ng marami, narito ang ilang tips sa pagkain ng healthy at mura sa pagbabakasyon:
ALAMIN ANG MGA KAINAN O RESTAURANT NA MURA
Maraming maliliit na kainan o restaurant na mas masarap ang mga inihahandang pagkain kumpara sa mga malalaking kainan o restaurant.
Kaya naman, kung darayo ka sa ibang lugar, mainam kung bago ka pa lamang magtutungo sa naturang bayan, pook o bansa ay magre-research ka na kung saan matatagpuan ang mga murang pagkain na bukod sa healthy ay masasarap pa.
Hindi lahat ng restaurant na malalaki at mamahalin, masasabi nating masasarap ang mga inihahandang pagkain. May ilan na hindi swak sa ating pan-lasa. May iba rin namang katakam-takam ang lasa.
Gayunpaman, kung gusto mong makatipid, alamin ang maliliit na kainan sa pupuntahang lugar na dinarayo ng mga parokyano.
Marami rin kasing maliliit na kainan na mas pinupuntahan dahil sa mura na ito ay napakasarap pa.
MAGING WAIS SA PAGPILI NG LUGAR NA PUPUNTAHAN
Bukod nga naman sa pag-alam kung saan-saan matatagpuan ang mura at healthy na pagkain, importante rin ang pagiging wais, lalong-lalo na sa pagpili ng lugar na pupuntahan o titigilan.
May mga hotel din kasi na bukod sa mahal ay wala pang gaanong makakainan sa paligid.
Kaya kung magtutungo sa isang lugar, isa sa kailangang isaalang-alang ay ang hotel na titirhan o lalagian—kung kaya ba ito sa budget. Pangalawa ay kung may makakainan ba sa paligid na mura at healthy.
EAT SMART
Kapag nag-check in tayo sa isang hotel, mayroon iyang free breakfast. Para makatipid, i-take advantage ang ganitong amenities o freebies.
Mainam din kung ang kakainin ay healthy na pagkain at iiwasan ang mga matatamis at matataba.
Siyempre, alam naman nating sa mga hotel ay hindi nawawala ang mga matatamis na pagkain na talaga namang katakam-takam at mahirap hindian.
Gayunpaman, kung kakain man ng matatamis, siguraduhing kaunti lang o tama lang ang dami nang manatiling healthy ang katawan habang bumibi-yahe.
HUWAG KALILIGTAAN ANG PAGDADALA NG TUBIG
Napakahalaga rin ang pag-inom ng maraming tubig lalo na kapag nasa ibang lugar nang mapanatiling hydrated ang katawan. Maiiwasan nga naman ang sakit kung hydrated sa kahit na anong panahon at pagkakataon ang ating katawan.
Kaya kung mamamasyal, magbaon ng tubig nang hindi na bumili pa.
Kung bibili naman, bottled water ang bilhin nang makasigurong malinis at safe itong inumin.
Sa gagawing pagta-travel din ay paniguradong marami ng activities na gagawin.
Kaya mahalagang may dala-dala kang tubig. Para rin hindi maiwan o makaligtaan ang tubig, ilagay ito sa bag.
GAMITIN ANG DISCOUNTS KUNG MAYROON
Kung may discounts din ang naturang hotel o restaurant, i-grab ang mga ito. May ilang restaurant o kainan na nag-o-offer ng mas murang pagkain sa itinakdang oras, sunggaban ang mga ganitong pagkakataon nang makatipid.
SIGURADUHING NALUTO NANG MAAYOS ANG PAGKAIN
May mga lugar na street food ang ipinagmamalaking putahe o pagkain. Kadalasan ay nababasa natin sa mga article na iwasan ang pagkain ng street food. Gayunpaman, kung gaano kadaling sabihin ito ay napakahirap namang sundin lalo na kung katakam-takam ang street food na nasa ating harapan.
Mura at masarap pa naman ang karamihan sa street food.
Oo, importante talagang naiiwasan natin ang pagkain ng street food lalo na’t lantad ito sa init at alikabok. Gayunpaman, kung hindi naman maiiwa-san ang pagkain ng mga naturang pagkain, siguraduhing naluto itong mabuti. Mahirap- magkasakit sa biyahe. Isa pa naman sa dahilan ng pagkakasakit ay ang mga marurumi at hindi lutong pagkain.
Kaya’t nang maiwasan ito, siguraduhing malinis ang kakainin at naluto itong mabuti.
Maraming tips upang maging healthy sa biyahe. Hindi rin nawawala ang mga paraan kung paano makatitipid sa pagkain kapag bumibiyahe. Kaya naman, sa susunod ninyong pagliliwaliw, subukan na ang mga nakalista sa itaas. Mainam din kung gagawa ka o mag-iisip ka ng sarili mong paraan upang makatipid at maging healthy.
Comments are closed.