TINIYAK ng Department of Agriculture na ligtas na kainin ang karne ng baboy.
Ito ay sa kabila ng pag-anunsiyo ng pagkakaroon ng outbreak ng African swine fever sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan.
Ayon kay DA Spokesperson Noel Reyes, ang virus na sanhi ng hemorrhagic fever sa mga baboy na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga ito ay hindi maaaring mailipat o maihawa sa mga tao at iba pang hayop.
Nagbabala rin ang Department of Health sa publiko na lutuin nang mabuti ang baboy para makaiwas sa sakit na dala ng hilaw na karne.
Kamakailan ay isinailalim sa culling process ang nasa 7,000 na baboy para mapigilan ang pagkalat ng ASF na sa kasalukuyan ay wala pang gamot o bakuna.
Iniulat naman kahapon ang unang kaso ng ASF sa South Korea.
Limang baboy ang nasawi dahil sa ASF virus sa isang farm sa Paju City na malapit sa border ng North Korea.
Ang kumpirmasyon ay ginawa tatlong buwan mula nang sabihin ng Pyongyang sa World Organization for Animal Health na dose-dosenang baboy sa isang pig farm malapit sa border ng China ang namatay sa ASF.
Base sa impormasyon, mayroong halos 7,000 pig farms sa SoKor o 40% sa kabuuang livestock industry sa kanilang bansa.