Bloodays. Kada isang buwan ay nakararanas ang mga kababaihan ng menstruation o buwanang dalaw. Marami sa kababaihan ang nakararanas ng period cramps o ang matinding pananakit ng puson bukod pa sa pagiging iritable, pakiramdam na pagod, at bloated.
Naguguluhan at nagtataka ang kalalakihan sa pagiging moody ng mga asawa, girlfriend o kapatid na babae sa tuwing mayroon itong period. Kaya mabuti o mahalaga rin na malaman ng kalalakihan ang pinagdaraanan ng isang babae kapag mayroon itong buwanang dalaw. Sa ganitong paraan ay magiging matiwasay ang kada buwang kalbaryo ng kababaihan at hindi na madadagdagan pa ng pagsimangot ng mga lalaki o asawa/boyfriend.
At para mas maging madali, o kahit papaano ay mapagaan ang pakiramdam ng kababaihan sa tuwing may menstruation, narito ang ilan sa mga pagkain at inuming mainam kahiligan:
TUBIG
Baka naririndi ka na dahil paulit-ulit mo itong naririnig, ngunit ito ang pinakamahusay na sagot sa lahat ng problema na maaari mong kaharapin.
Ugaliing uminom ng tubig araw-araw. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkakaroon ng cramps at mas magiging madali ang bloodays.
SALABAT
Isa pa sa mainam inumin ang salabat dahil nakatutulong ito upang maibsan ang pananakit ng puson. Para gumawa ng salabat, balatan lang ang luya, hiwa-hiwain ito. Mas maganda kung pino o maliliit ang pagkakahiwa saka ibabad sa mainit na tubig. Para magkaroon ng flavor, maaari itong samahan ng isang slice ng lemon. Kung gusto mo namang medyo mataas, mainam ding lagyan ng kaunting honey.
GREENS! KUMAIN NG GULAY
Kumain ng spinach at broccoli dahil nagtataglay ito ng magnesium na mabisa para maibsan ang cramps na nararanasan. Nakapagpapakalma rin ito at nagtataglay ng vitamins A, C, B6, E, calcium at potassium na maganda sa katawan.
Samantalang ang celery naman ay nakatutulong din upang maiwasan ang pagiging bloated na pakiramdam. Ang gulay na ito ay nagtataglay rin ng maraming tubig ngunit mababang calories.
PINYA AT SAGING
Bukod sa pagkain ng gulay, mainam din ang prutas sa may buwanang dalaw. At ang dalawang prutas na mainam kapag ganitong panahon ay ang pinya at saging.
Nakapagpapa-relax ng muscle ang pagkain ng pinya na nagiging dahilan upang mabawasan ang pagkakaroon ng cramps. Nakatutulong din ito upang mapaganda ang iyong pakiramdam at maiwasan ang pagiging iritable.
Gayundin ang saging, mabisa rin ito upang ma-relax ang muscle at mapigilan ang muscle cramps.
SALMON
Kumain ng mga pagkaing nagtataglay ng Omega-3, dahil makatutulong ito upang maiwasan ang pananakit na dulot ng buwanang dalaw tulad ng cramps. Mainam din ang pagkain ng mackerel o sardines kahit dalawang beses sa isang linggo para matulungan ang nakaiiritang pakiramdam.
TSOKOLATE
Pasok din siyempre sa listahan ang paborito ng lahat, ang chocolate. Ngunit tandaang mas mainam ang dark chocolate dahil mas mababa ang sugar content nito. Napunan na ang pananabik mo sa tsokolate, nakatutulong pa ito na maibsan ang pakiramdam ng pamamaga sa dibdib at pananakit ng puson.
Hindi lahat ng nararamdaman natin sa katawan ay gamot kaagad ang hahanapin at bibilhin.
Kaya’t sa susunod na magkaroon ka ng buwanang dalaw, para gumaan ang pakiramdam, ay subukan ang mga pagkaing nakalista sa itaas. MARY ROSE AGAPITO