PAGKAING DAPAT NA IWASAN PARA MAPANATILI ANG MAGANDANG BALAT

BALAT-1

MALAKI nga naman ang kinalaman ng ating kinakain para sa pagpapanati­ling malusog ng pangangatawan, gayundin ang ating balat.  Kung minsan, dahil sa masarap ang isang pagkain o paborito natin ito, wala na tayong pakialam kung makabubuti ba ito sa katawan o hindi.

Ngunit, nararapat lamang na maging mai­ngat tayo sa ating mga kinakain nang masiguro nating healthy ang ating kabuuan. At para ma­panatili ang magandang skin o balat, narito ang ilang pagkaing kaila­ngang iwasan kahit na sabihin pa nating paborito o sobrang sasarap ng mga ito:

MATATAMIS NA PAGKAIN AT CHIPS

BALAT-2Hindi lamang mga bata ang nahihilig sa candy at chips, gayundin ang matatanda. Marami riyan na hindi nakaaalis sa bahay nang walang candy sa bulsa. Marami ring kabataan o emple­yado na kasama na sa kanilang araw-araw na buhay o pagtatrabaho ang pagkain ng chips.

Kapag inaantok-antok nga naman, nag­hahanap ng chips at gayundin ng matatamis na pagkain. Minsan nga, idinadahilan pa ng marami ang pagkain ng chips para lang makapag-isip.

Ngunit kung susuriin nating  mabuti, ang dalawang ito—chips at candy, ay hindi nakabubuti sa katawan.

Sabihin na nating nakapagpapaganda ng pakiramdam ang matatamis na pagkain gaya ng candy.

Hindi lamang ito kalaban ng ngipin at belly, nakasisira rin ito ng skin. Maaari itong ma­ging  dahilan ng acne at wrinkles.

Gayundin ang epekto ng chips sa katawan, nagiging sanhi ito ng acne at wrinkles. Mas­yado rin itong maalat kaya’t nagiging sanhi ito ng dehydration.

Ayaw na ayaw pa naman ng marami sa atin na magka-acne at wrinkles, kaya’t alam n’yo na kung ano ang kailangan ninyong gawin.

ALCOHOL, JUICE AT SODA

BALAT-3Kung may tatlo mang inuming hindi puwedeng mawala sa marami sa atin, ito ‘yun: alcohol, juice at soda.

Marami nga naman ang hindi nakokompleto ang araw kapag hindi nakaiinom ng juice at soda.  May ilan din na para kumalma ang isip sa gabi at makapagpahinga ng mabuti, umiinom muna ng alcohol.

Nagiging sanhi ng inflammation ang soda dahil sa taglay nitong asukal o artificial sweetener. Nagiging sanhi rin ito para masira ang formation ng collagen.

Samantalang ang alcohol naman ay nagiging dahilan ng dehydration. Ang dehydration naman ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng wrinkles.

FRIED, PROCESSED O PACKAGED FOOD

Kapag nagmamadali ang marami sa atin, palagi nating option sa pagluluto ang prito dahil nga naman sa napakasimple lang nitong gawin.

Marami ring pagkain o putahe ang puwedeng iprito gaya na lang ng manok, karne at kung ano-ano pa.

Bukod din sa prito, karamihan din sa atin ay hindi nawawalan ng processed o packaged food.

Bubuksan mo nga lang naman ang mga ito at ipiprito, okey na. May pang-ulam na o pagkain ang pamilya.

BALAT-4Ngunit, nakasasama sa skin ang mga nabanggit. Halimbawa na lang ang fried food dahil nakababad ito sa maraming mantika.

Masama sa katawan ang mamantikang pagkain. Kaya’t sabihin man nating isda ang iniluto natin, kung prito naman ito, masama pa rin.

Kaya iwasan natin ang fried food.

Gayundin naman ang processed or packaged food, hindi rin ito maganda sa katawan dahill nagtataglay ito ng mga chemical, additives at kung ano-ano pa na masama sa ating kalusugan.

Maraming paraan para maging healthy ang ating pangangatawan. Maging maingat lang tayo.

Oo nga’t napakahirap iwasan ang pagkain ng mga kinahihiligan nating pagkain lalo na iyong nakasasama sa katawan.

Kung hindi man maiwasan, unti-unting bawasan ang pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain.

Isipin din natin ang ating kalusugan. CT SARIGUMBA