NGAYONG panahon na naman ng tag-ulan, nariyan na ulit ang problema sa ubo’t sipon na pahirap sa pakiramdam. Maambunan ka lang o mabasa nang kaunti ng ulan, kinabukasan ay mayroon ka nang ubo o ‘di kaya’y sipon, at kung talagang minalas ay pareho ang tatama sa iyo na maaaring sundan ng lagnat o trangkaso.
Sa mga ganitong panahon, mahalagang mayroong panlaban ang katawan sa mga sakit na puwedeng makuha sa kapaligiran. Ang mahinang immune system ang siyang nagiging dahilan kung bakit mabilis tayong kinakapitan ng sakit o nahahawa.
Laging bilin sa atin simula pagkabata, na kumain tayo ng mga masusustansiyang pagkain para makaiwas sa mga sakit. Madalas man nating hindi ito pinaniniwalaan lalo na nu’ng ating kabataan, may mga pagkaing magpapalakas ng ating immune system.
Hindi na iba sa atin ang mga pagkaing mayayaman sa vitamin C bilang pangontra sa ubo at sipon. Ang vitamin C ay nakatutulong sa pagpuksa ng mga virus at bacteria at nagpapalakas ng immune system. Ang mga pagkaing tulad ng guava, orange, kiwi, papaya, broccoli, mango, tomato juice, dalandan, at kalamansi ang ilan sa mga matataas ang vitamin C.
MGA PAGKAING GAMOT SA UBO AT SIPON
May mga pagkakataong marami sa atin ang ayaw ng puro gamot. At dahil hindi nga maiiwasan kung minsan ang magkaroon ng sakit, may mga pagkain ding maaaring maging gamot sa ubo at sipon.
BAWANG
Isa ang bawang sa maaaring maging gamot sa ubo at sipon. Pakuluan lamang ito at inumin ito habang maligamgam.
HONEY
Ang honey naman ay epektibo sa pagpapaginhawa ng lalamunan at nakagagaling ng ubo. Uminom lang ng isang kutsara nito kada apat na oras. Puwede rin itong samahan ng lemon juice o grape juice na nakatutulong sa pagtanggal ng plema sa baga at lalamunan.
LUYA
Hindi lang pampaganda ng boses ang luya. Ang pinakuluang luya o ginger tea ay makatutulong sa pagpapaluwag ng paghinga ng taong may ubo. Ito ay tumutulong na magtanggal ng makakapal na plema sa respiratory system.
Ang pinaghalo-halong isang kutsarang turmeric powder, maligamgam na gatas, at isang kutsarang honey ay mabisa rin sa pagpapagaling ng ubo at sipon.
TSAA
Ang pag-inom ng tsaa ay nakatutulong sa pagpapaginhawa ng sore throat. Ang iba’t ibang klase ng tea gaya ng black, white o green ay may taglay na antioxidants na mainam sa ubo at sipon.
May mga paraan upang palakasin ang immune system sa pamamagitan ng mga tamang pagkain. Ilan lamang ang mga nakalista na makatutulong sa pagpapatatag ng immune system at sa pagpapaginhawa ng pakiramdam tuwing magkakaroon ng ubo at sipon.
Importanteng may panlaban sa tag-ulan ang ating katawan. Kumain ng masusustansyang pagkain para sakit ay hindi palaging nandiyan at ito ay maiwasan. (photos mula sa google) LYKA NAVARROSA
Comments are closed.