DUMARATING ang pagkakataong tila tinatamad tayong magtrabaho at wala tayong enerhiya. May mga panahon ding kahit na gusto nating tumayo sa higaan, hinihila tayo nito pabalik. Mahirap labanan kapag ganito na ang nararamdaman natin. Kumbaga, sabihin mang gusto nating tapusin ang mga gawaing nakaatang sa atin, halos ayaw namang makisama ng ating katawan at isipan.
Sa rami ng kailangan nating gawin, importante talaga na may lakas tayo palagi. Dahil kung nanghihina tayo, tiyak na hindi natin magagampanan ang trabahong nakaatang sa atin.
Ngunit hindi rin naman maiiwasan ang makaramdam ng pagod ang kahit na sino sa atin lalo na kung araw-araw na nagtatrabaho. Siyempre, kailangan din o naghahanap din ang katawan at isipang makapagpahinga.
Napakaimportante rin kasi ang pagpapahinga upang maibalik ang lakas na nawala sa atin. Pero kung talagang hindi maiwasan na magtrabaho at maisantabi ang pagpapahinga, narito ang ilang mga pagkaing maaaring kahiligan na nakapagbibigay ng enerhiya:
KAPE
Talagang hindi nawawala sa ating listahan ang kape. Sa rami nga naman ng benepisyong makukuha rito, nangunguna ito sa ating listahan. Kapag wala ka nga namang tulog, kasa-kasama mo ang kape. Kapag gusto mong mag-relax, kata-katabi mo rin ang kape. Hapag gusto mo ng energy, sa kape rin kumukuha ng lakas ang marami sa atin. Isa rin kasi ito sa inuming nakapagbibigay ng enerhiya sa tutulog-tulog o inaantok-antok na diwa.
Hindi na nga naman nawawala sa kinahihiligang inumin ng mga Pinoy ang kape.
Sabagay, kapag inaantok nga naman tayo o nawawalan ng ganang magtrabaho, kape kaagad ang unang tumatatak sa ating isipan. Kailangang magkape para ganahang magtrabaho at matapos ang kaliwa’t kanang gawain.
At dahil nga diyan, isa ang kape sa nakapagbibigay ng enerhiya sa kahit na sino dahil sa taglay nitong caffeine.
ITLOG
Kung mayroon mang madaling lutuin at laging available sa kusina ng kahit na sino, iyan ang itlog. Madali lang lutuin at napakarami ring klase ng luto ang puwedeng gawin dito. Nakapagbibigay rin ito ng enerhiya para makayanan ang buong araw na pagtatrabaho.
Mayaman sa protein ang itlog. Nagtataglay rin ito ng leucine na tumutulong na ma-stimulate ang production ng energy sa cells. May taglay rin itong B vitamins na may malaking gampanin upang ma-break ang food at magamit na enerhiya.
SAGING
Sa tuwing nagtutungo ako sa grocery, lagi akong may nakikitang saging. Ito na yata ang isa sa prutas na sa kahit na anong panahon ay mabibili mo at matitikman.
Kunsabagay, napakasarap nga naman ng saging. Puwede mo itong kainin nang ito lang at maaari rin namang isama sa ilang mga lutuin.
Isa rin ang saging sa matatawag na best food for energy dahil sa taglay nitong carbohydrates, potassium at vitamin B6.
MANSANAS
Bukod sa saging, isa pa sa napapansin kong hindi nawawala sa grocery o kahit na sa mga tindahan sa tabi ng kalsada ang mansanas. Kilala nga naman ang mansanas sa kahit na saang lugar sa mundo. Magandang source din ito ng carbohy-drates at fiber kaya’t napakainam kahiligan ng kahit na sino.
Dahil din sa taglay na natural sugars at fiber nito, nakapagpapalabas ito ng enerhiya na kailangan ng katawan. Mataas din ang taglay nitong antioxidants.
PEANUT BUTTER
Pagdating naman sa palaman sa tinapay, isa naman sa kinahihiligan sa bahay ang peanut butter. Lagi kaming mayroon nito at hindi puwedeng mawalan.
Bukod sa masarap itong ipalaman sa tinapay man, biskwit o sa mga prutas gaya ng saging at mansanas, nakapagbibigay rin pala ito ng enerhiya na kailangan ng ating katawan. Kaya tama lang na lagi pala kaming mayroon nito.
Hindi naman natin naiiwasan ang makaramdam ng pagod at mawalan ng energy. At sa mga panahong wala kang lakas, siguraduhing makapagpapahinga ka at makakakain ng mga pagkaing makapagbibigay ng enerhiya gaya na lang ng ilang mga nabanggit sa itaas.
Hindi ka rin naman mahihirapan sa paghahanap ng mga ito dahil abot-kaya lang ito sa bulsa at available sa grocery man o sa tindahan sa gilid ng kalsada. CT SARIGUMBA
Comments are closed.