PAGKAING PINOY SA US TINIKMAN NI PBBM

NEW YORK, USA- NAGKAROON ng tiyansa na makaktikim ng pagkaing Pinoy mula sa kanyang mahigpit na schedule si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Biyernes ng hapon dito.

Dalawang food truck na mabibilihan ng Filipino food dishes na noo’y nakapuwesto sa tapat ng Carlyle Hotel sa Madison Avenue ang pinuntahan ng Pangulo kasama ang maybahay na si First Lady, Atty. Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos, House Speaker Martin Romualdez, at iba pang miyembro ng kanyang delegasyon.

Unang binisita ng Pangulo ang Kabayan Grill kung saan ay kumain siya ng barbecue at bulalo.

Sa ikalawang food truck ay kumain naman ang Pangulo ng pansit, lumpia, at ice cream.

Makaraan ang food break ay dumiretso na si Pangulong Marcos sa Asia Society meeting, alas- 2:00 ng hapon na ginanap sa Asia Society Headquarters.

Pasado alas- 2 ng madaling araw ng Sabado, Setyembre 24, ay nakaalis na dito, ang Punong Ehekutibo at kanyang delegasyon mula sa Newark Liberty International Airport sa New Jersey at inaasahang darating sa Maynila araw ng Linggo at lalapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2. EVELYN QUIROZ