SUMISINGHOT-SINGHOT ako ngayon. Malamang mamaya lang o bukas, uubo-ubo na rin ako. At dahil pansin kong hindi lamang ako ang nagkakaroon ng ubo, sipon at lagnat, mas magandang pag-usapan kung paano ito malalabanan.
Sa tuwing magkakasakit nga naman, napakahalaga ang pagpapahinga. Ngunit maraming empleyado ang hindi gaanong nakapagpapahinga. May mga trabaho kasing hindi puwedeng mawala o um-absent dahil malaki rin ang magiging kawalan nito sa kompanya. Bawas-suweldo rin. Halimbawa na nga lang ang pagtatrabaho sa diyaryo, dahil daily ito ay hindi puwedeng mawala ang isang empleyado lalo na kung walang reliever o mapag-iiwanan ng kanyang trabaho. Kumbaga, hangga’t kaya namang tumayo at magtrabaho, ginagawa.
At dahil marami ang nagtatrabaho kahit na may ubo, sipon at kung minsan pa nga ay lagnat, narito ang ilang mga pagkaing puwedeng kahiligan nang malabanan ang dinaramdam at guminhawa agad ang pakiramdam:
DARK LEAFY GREENS
Isa sa mainam kainin kapag mayroong sakit ang mga dark leafy vegetables. Mas makatutulong din ang paghalo ng dark leafy greens sa healthy spices gaya na lang ng bawang. Isa rin ang bawang na magandang pangontra sa colds at flu.
CHICKEN SOUP
Isa pa talaga sa hindi maaaring mawala kapag may sakit ang chicken soup. Isa nga naman ito sa mga pagkaing epektibo. Subok na subok na rin ito dahil matagal nang ginagamit. Hindi nga lang naman nakapagpapaluwag ng pakiramdam ang mainit-init na sabaw nito kundi napadadali pa nito ang iyong paggaling dahil sa taglay na nutrients.
PAGKAING MAYAMAN SA VITAMIN C
Kung may isa pang subok na at epektibong paraan upang gumaling kaagad ang ubo at sipon, iyan ang pagkain ng mga mayayaman sa vitamin C gaya na lang ng orange o citrus fruits at kamatis. Isa nga naman ang vitamin C sa mahalagang nutrient na kailangan ng katawan upang makabawi kaagad ng lakas.
CARROTS
Masarap ding isama sa iba’t ibang lutuin ang carrots. Mainam din itong ilagay sa salad. Ngunit bukod sa masarap itong pansahog at pansama sa iba’t ibang lutuin, nakatutulong din pala ito upang agad na gumaling sa ubo at sipon. Dahil ito sa taglay na Beta carotene at vitamin A ang carrots na siyang nagpapalakas ng immune system.
EGGS
Matatawag nga namang superfood ang itlog. Napakarami nga namang benepisyo ang makukuha rito. Nakapagpapalakas din ito ng katawan kaya’t mainam itong kahiligan lalo na kung mahina ang immune system. Mataas sa protina at amino acid ang itlog.
WATER
Ano pa nga ba ang pinakamurang paraan para maging hydrated ang katawan at mawala ang iniindang sakit, kundi ang pag-inom ng maraming tubig. Oo nga’t nakapagpapa-hydrate ang chicken soup o masasabaw na putahe ngunit mainam pa rin ang pag-inom ng maraming tubig.
Bukod din sa tubig, puwede ka ring uminom ng ginger tea. Maganda rin sa katawan ang ginger tea kapag may sakit. Kung ayaw mo naman ng ginger tea, puwede rin ang herbal tea na may kaunting honey, o kaya naman ang fresh juice.
Usong-uso na naman ang sakit. At sa panahon ngayon na patuloy na tumataas ang bilihin, mahirap lumiban sa trabaho dahil tiyak na kung wala ka nang leave, wala ka ring susuwelduhin. Kaya naman, sa mga empleyadong kumakayod ng sobra para sa sarili at pamilya, alagaan ang sarili upang hindi magkasakit.
Kung nararamdam naman ninyong tila nagkakasakit o may sakit na kayo, kahiligan lang ang mga pagkaing nakalista sa itaas. At kung puwede rin, piliting makapagpahinga.
Comments are closed.